Advertisers
Ipinadala ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang grupo upang maghatid ng agarang tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa mga lungsod ng Bacoor at Cavite at mga bayan ng Kawit, Noveleta at Rosario sa lalawigan ng Cavite kasunod ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Nagpahayag ng pakikiramay si Go sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa kalamidad.
“Asahan n’yo po na gagawin namin ang aming bahagi, sa abot ng aming makakaya, upang magbigay ng suporta at tulungan ang mga apektadong komunidad na makabangon,” sabi ni Go.
“Ako ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa ating mga pambansang ahensya sa at mga kinauukulang local government units upang tulungan sila sa lahat ng paraan na ating makakaya. Ang aming mga tropa ay nasa iba pang mga apektadong lugar upang tumulong sa mga relief operations,” ayon sa senador.
Namahagi ang pangkat ni Go ng food packs at relief goods sa 1,500 biktima ng bagyo sa pamamagitan ng kanilang local government units sa kani-kanilang munisipyo at city hall upang matiyak na magiging maayos ang pamamahagi ng ayuda.
Siniguro ni Go sa mga biktima ng kalamidad na patuloy siyang tutulong sa mga apektadong komunidad, partikular na sa relief, recovery at rehabilitation efforts.
“Tulad ng dati, sa abot po ng aking makakaya, sisikapin ko po na makatulong sa mga naapektuhan ng bagyo. Naiintindihan ko kung gaano kahirap mawalan ng tirahan at gamit. Pero huwag kayong mawawalan ng pag-asa dahil andito kami na handang tumulong sa inyo,” ani Go.
Nagpaalala ang mambabatas sa mga biktima ng bagyo na alagaan ang kanilang kalusugan at hinikayat silang gamitin ang mga serbisyo ng alinman sa dalawang Malasakit Center sa lalawigan kung kailangan nila ng tulong sa kanilang gastusin sa ospital.
“Ang gamit ay ating mabibili. Ang pera ay kikitain natin ‘yan, pero ang pera na ating kikitain, hindi natin mabibili ang buhay. Kaya lagi kong ipinapaalala sa mga nabahaan at nabiktima ng iba pang sakuna, ang importante ay buhay tayo,” sabi ni Go.
Ang Malasakit Centers sa lalawigan ng Cavite ay matatagpuan sa Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City at General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City. Sa ngayon, mayroong 152 Malasakit Centers sa buong bansa. Si Go ang pangunahing nag-akda at nag-sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019.
Samantala, muling iginiit ni Go ang kanyang panawagan para sa mas proactive na diskarte sa pagtugon sa mga natural na kalamidad. Muli niyang itinulak ang pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 188 na magtatatag ng Department of Disaster Resilience.
Itinulak din niya ang pagpasa sa kanyang Senate Bill No. 193 na magtatatag ng ligtas at malinis na mga evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan at munisipalidad sa buong bansa.
“Napakalawak po ng pinsalang idinulot ng bagyong Paeng sa ating bansa at sa ating mga kababayan. Kaya gaya ng madalas kong sabihin noon pa man at hanggang ngayon, kailangan talagang maging mas handa ang ating bansa sa ganitong sitwasyon,” ayon sa senador.