Advertisers

Advertisers

Royce aminado, takot kay Direk Joel

0 209

Advertisers

Ni BLESSIE K. CIRERA

NAGPAKATOTOO si Royce Cabrera sa pag-aming takot siya kay Direk Joel Lamangan. Takot as in baka anya mapagalitan siya ni Direk Joel sa unang proyektong pagsasamahan nila, ang Sa Kanto ng Langit at Lupa mula sa produksyon ng 3:16 Media Network ni Madam Len Carillo at Mentorque Productions.
Sa idinaos na story conference ng pelikula nitong nakalipas na Nov. 7, inamin ni Royce na takot anya siya kay Direk Joel pero gaya ng karamihang baguhan, pangarap umano niya na mahawakan ng nabanggit na direktor.
Sagot naman ni Direk Joel, “Kayo lang naman ang nagsasabing nakakatakot akong direktor.”
Dagdag pa ng ‘terror director’, nagagalit lang daw siya sa artistang kunwari ay may alam pero wala naman. In short, asar siya sa tanga.
Mabuti pa raw na aminin na lang agad sa kanya na wala itong alam at tuturuan niya kaysa magpanggap na mahusay.
Pero hanga at pinupuri naman daw niya ang artista pag magaling ito.
Tsika rin ni Direk Joel, sumikat naman daw ang mga artistang nakatikim ng pananaray niya.
Hindi rin anya niya pinapaasa ang mga wala siyang nakikitang potensyal para sumikat.
Samantala, sinabi naman ng cast member na si Marco Gomez na hindi raw siya naiinsekyur sa kasamahan niya sa Clique V all-male group na co-star din niya sa Sa Kanto ng Langit at Lupa na si Sean de Guzman.
Nanalo na kasi ng acting awards si Sean dahil sa pinagbidahang mga pelikula sa 3:16 Media Network at Mentorque Productions.
Gayundin, si Sean ang karaniwang bida sa mga pelikulang pinagsamahan nila at supporting cast lang si Marco.
Pero sey ni Marco, never daw siya nainsekyur sa naabot ng career ni Sean. Magkapatid anya sila sa produksyon kaya masaya siya para rito.
Ang Sa Kanto ng Langit at Lupa ay tumatalakay sa buhay ng mga kabataang lumaki sa kalye na nais ipakita ng movie para mapansin ng pamahalaan. Sinulat ito nina Michael Angelo Dagnalan at Ma-an Asuncion Dagnalan.
Ang Sa Kanto ng Langit at Lupa ay mapapanuod sa unang bahagi ng 2023.
Kasama rin sa pelikula maliban kina Sean, Marco at Royce, sina Quinn Carillo, Rob Guinto, Jiad Arroyo at iba pa.