Mayor Honey: May pagdadalhan ang COVID patients kahit sinara na ang MCFH
Advertisers
TINIYAK ni Manila Mayor Honey Lacuna na marami pang lugar na pagdadalhan ang mga pasyenteng may COVID-19 sa Maynila kahit isinara na ang Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH).
Pinayuhan din ng kauna-unaahang babaeng alkalde ng Maynila ang lahat ng mga dumarating na overseas Filipino workers (OFWs) na makipagugnayan sa Bureau of Quarantine (BoQ) sakaling sila ay nagpositibo sa COVID-19, dahil wala ng maiaalok na COVID hospital ang lungsod.
Inanunsyo ni Lacuna na ang paggamit ng Burnham Green sa harap ng Quirino Grandstand bilang lugar ng MCFH ay hindi na pinalawig pa ng National Parks Development Committee (NPDC).
Sinabi ng alkalde na bago tumigil ng operasyon ang MCFH noong October 31, ito ay tumatanggap nang halos lahat ng non-Manilans at OFWs na na-infect ng coronavirus.
Dito ay mayroon silang free accommodation, daily meals at gamutan sa ilalim ng pamamahala ni hospital director Dr. Arlene Dominguez hanggang sila ay gumaling.
Ang MCFH ay itinayo gamit ang mga container vans, at ito ay para lamang sa mga asymptomatic COVID patients o sa mga mayroong mild symptoms lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
Sinabi ni Lacuna na base sa ulat ni Dominguez, ang huling araw na tumanggap ng pasyente ang MCFH ay noong October 20.
“Ang aming pong pasasalamat sa NPDC sa pagbibigay sa amin ng pagkakataong makapaglingkod sa pamamaraan po ng ating ospital sa inyo pong lugar, Maraming, maraming salamat po sa inyo,” sabi nito.
Samantala ay pinawi naman ng alkalde ang pangamba ng mga Manileño na nag-iisip na wala na silang COVID-19 hospital na mapagdadalhan sakaling sila ay magka-COVID.
“Kung natatakot kayo na wala na kayong mapupuntahan, bukas pa rin ang ating anim na ospital at isang quarantine facility sa MLQU sa Quiapo. Mananatili itong bukas pero para sa taga-Maynila na lamang po,” ayon pa sa alkalde.
Nabatid na naglagay na rin ng mga tauhan at pasilidad sa nasabing quarantine facility na siyang mag-aalaga sa mga pasyenteng asymptomatic at mild cases.
Ang mga staff at gamit naman sa MCFH ay dinistribute na rin sa mga city-run hospitals habang may iba namang paggagamitan ang mga container vans. (ANDI GARCIA)