Advertisers

Advertisers

‘MANILAMEN’

0 267

Advertisers

SA teaser ko nung nakaraang Lunes, binanggit ko ang nanganganib ang limampung libong seaman sa pagpataw ng karagdagang reglamento, ang European Maritime Safety Agency o EMSA na nangangailangan ng panibagong pagsususuri para makapasa ang ating mga mandaragat. Dito sasailalim ang mga Pinoy seamen sa re-evaluation at examinations. Panawagan ng EMSA na ayusin ang accreditation ng tripulante segun sa bago nilang patakaran bago ang darating na Mayo kung kailan ipatutupad ito. Panahon pa ni PNoy naglabas ng abiso ang EMSA. Naging “carryover” o pamana ang problemang ito ng nagdaan administrasyon. Pero to be fair, ginagawan ng paraan ng ilan sa mga mga seafarers ang re-accreditation, maging sa panig ng MARINA, sa panig ng pamahalaan. Ngunit kulang pa rin sa lagutok ang pukpok ang MARINA, at sa tingin ko masyado silang “relaxed,” kampante at may “bahala-kayo-diyan” ang kanilang “attitude.”

Eto lang sa akin. Pareho may kasalanan ang Marina at apektadong mamamalakaya. Isipin na higit 80% ng mamamalakayang Pilipino ay sumasampa sa barkong naglilipad ng watawat ng EU. Ngunit gumagawa ng hakbang ang mga apektadong tripulante. Habang naka-daong at wala pa silang sasampahang barko, ginagawa nila ang nararapat upang makapasa sila at ma-accredit, dahil alam nila na kailangan nila makasampa muli sa Barko ng EU at ipagpatuloy ang kanilang kabuhayan. Marahil nakatunton ang Marina sa isyu at gumagawa ng kaukulang hakbang. Malaking bagay sa mga mamamalakayang Pilipino na nandoon ang pamahalaan na nagpapakita ng suporta. Kahit sa pamamagitan ng presensya lamang ay malaking bagay na. Opo, nandoon na tayo na ang MARINA, o Maritime Industry Authority, na itinatag sa bisa ng PD 474 noong 1974.

Ngunit sa pananaw ng karamihan ng namamalakaya, naging “monolithic” sila. Para alisin ang duda na ang MARINA ay isang ahensya na malamig ang pakikitungo sa mga namamalakaya, at pakuya-kuyakoy lang hanggang dumating ang Mayo, dapat magpakitang -gilas ito. Una, padaliin ang pag proseso sa pamamagitan ng pagpapadali ng mga rekisitos at pag proseso ng mga papeles. Pangalawa, abisuhan ang mga namamalakaya na nalalapit na deadline sa Mayo. Tulad ng ibang ahensya sa pamahalaan, ang pananaw ng marami sa MARINA ay gawaan lang ito ng pera kaya nararapat paigtingin nila ang kanilang “information-dissemination,” lalung-lalo na ang kanilang “PR.” Kumbaga sa doorbell, malakas ang timbre ngunit kulang ito sa pisil. Mahaba at makasaysayan ang kasaysayan ng ating mga namalakaya. Mula sa mga binansagan ng mga Ingles na “Manilamen” noong panahon kalakalan ng mga galleon.



Dahil sa angking galing sa pamamalakaya, ang mga “Manilamen” sa kalaunan ay sumampa rin sa mga barko na nagpapalipad ng ibang mga watawat. Makulay at makasaysayan ang kwento ng mga Manilamen at nagtatak sila ng kanilang marka sa kasaysayan ng pamamalakaya ng buong daigdig. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga tripulanteng Pinoy ay nagsisilbing malaki at mahalagang bahagi ng shipping industry kung saan 90 hanggang 95 porsyento ng pandaigdigang kalakal ay dumadaan. Dahil sa kakayahang panatiliin ang maayos na pamamalakad sa loob ng barko, at dahil sa angkin na pagiging maabilidad, ang Pilipino seaman ay pinipili ng mga kapitan ng barko. Kaya hindi ako magtataka kung nagluluksuhan nila ang bagong patakaran na ipinataw ng EU. Sa ganang akin, ang pinakamahalagang kodigo nila sa re-accreditation ng EMSA ay ang kanilang karanasan.

Sa isang “online class,” tinanong ang isang guro kung ano ang magiging epekto ng bagong patakaran ng EFSA sa ating mga “maritime professionals.” Ito ang tanong ng isang estudyanteng “updated” sa isyu, at malamang anak ng isang Pinoy maritime professional. Sinagot ng guro ang tanong sa pamamagitan ng tanong: “So what do you think will happen if they will ban the Filipino seafarers in their flags? Siguro, pinabababa ng guro ang pangamba ng estudyante. Pero, paumanhin sa guro, ito ay mali. Maraming bansa katulad ng Tsina at India ang nasa gilid-gilid na nagkukumahog na punuin ang magiging kakulangan sakaling hindi pumasa ang mga Pinoy seamen kaya huwag tayo maging kampante. Mataas ang demand sa mga Pinoy seamen, pero mahina ang quality ng training natin ayon sa EMSA. Ito ang malungkot na katotohanan. Pero huwag din tayo magsisihan, lalo na huwag tayo matakot. Sa darating na Mayo dadaan kayo sa masusi at maigting na pagsusuri ng EMSA. Kung takot sa exam at nosebleed sa Ingles, manalig na ang karanasan niyong maraming taon sa laot ang magiging “tip” at kodigo ninyo para sa Mayo.

Isipin na itong dadaanin ay parang tumatawid kayo sa baybayin ng Somalia o Persian Gulf. Bukod sa pag-aaralan ang galaw ng mga pirata doon, maghanda kayo ng sandata at magbaon ng maraming bala. Alam ninyo ang kalakaran ng pinili niyong hanapbuhay. Ang hanapbuhay na nag-aruga sa iyong mga mahal sa buhay. Ipakita niyo kung bakit kayo nabansagan na “Manilamen”. Mabuhay kayo at kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.

***

ANO ba talaga ang ginagawa nila? Trabaho ba ng mambabatas yan? Iyan ang tanong sa akin ni Manong, isang maintenance staff ng building namin na itatago lamang natin sa pangalang Manong. Naging kaututang-dila ko si Manong, na tuwing bababa ako para bumili ng kape sa umaga, bihira ang hindi ko masasalubong si Manong sa pasilyo. Sa maikling sandali habang naghihintay ako ng elevator, pag-uusapan namin ang sari-saring balita. Si Sandro Marcos na iminungkahi na magtanim tayo ng dragon fruit. Si Cynthia Villar, magtanim ng kamote, si Jinggoy Estrada at si JV Ejercito, hinamon ng suntukan ang isang baskebol player na nagwala. Ang sabi ni Manong, ang baba ng uri ng mga senador at kongresista ngayon. Imbes na magpanukala at magpasa ng mga batas na tutulong sa mga mamamayan, sumasawsaw sila sa mga walang katuturang isyu.



Dagdag pa ni Manong na halata naman ang ginagawa nila ay para sila pag-usapan lamang. ‘Tila nakakalimutan ng mga nabanggit ang unang tungkulin, na sinumpaan nila. Ito ang pag salig ng mga batas at hindi ang pag-salig ng kanilang popularidad. Nakalimutan ba ng mga nabanggit ko ang tungkulin na yan? Ani Manong. Sa halip na gumawa ng mga batas na makakatulong maibsan ang kahirapan na dinaranas ng mga Pilipino, habang pasakay ako sa elevator at tangan ang mainit kong kape, napaisip ako. Dumadagundong sa isip ko ang mga namutawi sa bibig ni Manong. WALA SILANG SILBI. Si Manong ay isa sa mga maliliit na tinig sa aking kinaluluklukan. Isa sa laksa-laksang tinig ng mga nilalang na direktang apektado sa bawat kembot ng nakaluklok. At habang paakyat ang elevator patungo sa aking palapag, napapikit ako at napaisip, eto sila at pinatotoo lamang ang pagiging “duly-selected” nila. Nagbuntong-hininga. Nangingilid ang luha nang napagtanto ko ang kalidad ng mga mambabatas noon, at nang ihinambing ko sila sa mga nakaluklok ngayon, nangilid ang luha dahil tumambad sa akin ang mapait na katotohanan: Duly-selected eh. Hay naku.

***

Mga Harbat Sa Lambat: “Learning to stand In somebody else’s shoes, to see through their eyes… That’s how peace begins…” – Barack Obama

“Boxing at mixed martial arts, hindi uubra si John Amores. Walang estratehiya. Bara-bara ang estilo. Magugulpi lang siya doon…” – Ba Ipe

***

Wika-alamin: SESQUIPEDALIAN: somebody who uses complicated and highfalutin’ words to sound intelligent. When used in a sentence: Sesquapedallian politicians should practice the KISS principle: Keep It Simple Stupid; otherwise they really are.

***

mackoyv@gmail.com