Advertisers
SA pagpupursigeng masupil ang drug addiction sa mga empleyadong pinagmamalasakitan ay umaariba na ang pagmamaniobra ng drug syndicate para mapigil ang krusada ng isang contractor sa Pasig City.
Kamakailan ay nag-viral video ang naging komprontasyon ng contractor at ni Pasig City Mayor Vico Sotto hinggil sa isyung “demolisyon” o pagpapagiba sa workers barracks na ginawang drug den ng mga adik na trabahador ng WING-AN CONSTRUCTION & DEVELOPMENT CORPORATION na pag-aari ng contractor na si ENGR. SELWYN LAO.
Sa mga COMMUNICATION LETTER na isinumite sa mga tanggapan ng BARANGAY BAMBANG OFFICE, PASIG CITY MAYOR’S OFFICE, DEPARTMENT OF THE INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT (DILG), PRESIDENTIAL COMPLAINT CENTER ay nakasaad dito ang pagpoproblema sa mga adik na trabahador ni ENGR. LAO na tubong PAGADIAN CITY.
Ang lugar na kinaroroonan ng kompanyang WING-AN CONSTRUCTION & DEVELOPMENT CORP na nasa 1988 JB MIGUEL ST., BRGY. BAMBANG ay inokupahan noong January 2017, na ang lote ay pag-aari ng BANGKO SENTRAL NG PILIPINAS at noong taong 2018 ay binili na ng naturang kompanya ang nasabing lote, kung saan ay naging problema na ang mga trabahador na pawang nalulong na sa illegal drugs kaya naglunsad ng mga biglaang drug test.
Mayorya sa mga trabahador ay nagpositibo sa illegal drugs, kaya naman puspusang nagsiyasat ang namumuno ng kompanya hinggil sa kung saan nanggagaling ang mga shabu at inimpormahan ang BRGY. BAMBANG gayundin ay inimpormahan na rin si dating PASIG CITY MAYOR ROBERT EUSEBEIO.
Nagkaroon man ng aksiyon na niraid ng mga kinauukulan ang lugar, subalit nakatakas daw ang pakay na pusher samantalang naroon lamang sa lugar ang taong dapat na sasakotehin at ang siste pa sa pagsisiyasat ng kompanya ay “asset” daw ng police force at barangay force ang inginunguso ng mga “user” na pinagkukuhanan nila ng shabu. Ang siste pa, ang mga nang-raid ay pasugalan lamang daw ang nakita sa lugar na hindi pinakialaman o inaresto ang mga nagsusugal… protektado kaya ito ng barangay o ng police unit?
Base sa COMMUNICATION LETTER, ang ipinagawa ng kompanyang barracks para sa mga trabahador ay nagsilbing drug den na ng mga trabahador at ang pader na nakapagitan sa compound ng kompanya at sa mga nakapalibot na shanties ay binutasan pa ang pader at iyon ang silbing abutan ng shabu mula sa pusher. Bukod dito ay nagkaroon na ng pagnanakaw sa mga kagamitan ng kompanya.., na kagagawan ng mga adik na trabahador.
Nakasaad din sa LETTER na mayroong pamilyang naninirahan sa gilid ng kompanya ang binigyan ng tsansang makapagtrabaho.., pero, ang naging resulta ay ang mga ito ang naging ‘source’ o nagbebenta ng shabu sa mga trabahador at dahil sa kawalang aksiyon ng mga kinauukulan para masawata ang illegal drugs ay ipinagiba ang barracks ng mga trabahador na ikinadiskubre sa mga nagkalat na aluminum foil, plastic sachet at mga lighter na gamit ng mga adik.
Aba, kung ako man ang may-ari ng kompanya at madiskubre ko na ang barracks ng mga trabahador e naging drug den.., sigurado pagigiba ko at lahat ng mga trabahador ay ipapa-drug test at ang aayaw e awtomatikong tanggal sa trabaho.
Lumalabas na noong bago naganap ang komprontasyon na nag-viral sa social media ay iniayos ang loob ng compound dahil ang ilan nilang mga equipment mula sa iba’t ibang lugar ay magdadatingan na para doon igarahe ay sinamantala na ng ilang elemento sa lugar ang pagkakataon at nagsuplong na sa Mayor’s Office, na ang kompanyang WING-AN ay magsasagawa raw ng demolisyon. Sa pagkakataong iyon ay tinungo ni MAYOR SOTTO ang lugar bilang pagmamalasakit sa kaniyang constituents.
Yun nga lang, kung pagbabasehan ang nilalaman ng mga dokumentong inihain sa DILG e tila may nakaligtaan si MAYOR SOTTO na dapat ay hindi muna agad siyang kumatig sa isang panig at sa halip ay idinaan muna niya ito sa pag-uusap at mabusisi ang bawat panig para magkaroon ng kalinawan.., o baka naman may ilang tauhan si MAYOR SOTTO na sadyang inilalagay siya sa peligrong sitwasyon? Kailangan magmuni-muni si MAYOR SOTTO at huwag din magtatampo o magalit sa pananaw ng mga nag-oobserba tulad sa pananaw ng ARYA.., kailangan timbangin ang bawat panig at paglaanan ni MAYOR SOTTO ng oras na makadayalogo ang magkabilang panig para maresolba ang isyu at marapat ngang pagmalasakitan ang mga kapus-palad pero dapat ding pagmalasakitan ng CITY GOVERNMENT ang mga negosyante dahil ang mga ito ang silbing kaagapay sa ekonomiya at nagbibigay pangkabuhayan sa mahihirap nating constituents.
Nitong nagdaang araw ay nagkaroon ng tsansa ang ARYA sa saglit na panayam kay ENGR. LAO, na naihayag nitong nais nila ang payapang pagpapatrabaho at sila ay nakikipagtulungan sa panuntunan ng kanilang pamahalaang-lungsod. Aniya, nakahanda rin umano silang mabigyan ng katulungan ang mga informal settler sa paligid ng kanilang compound na ma-relocate ang mga ito katuwang ang local government unit.
Tanging hinahangad umano ni ENGR. LAO ay ang mapaglaanan umano sila ng oras ni MAYOR SOTTO para magkausap-usap at maresolba ang isyu sa kanilang lugar na aniya ay sinisikap nilang masunod ang mga panuntunan sa kanilang CITY GOVERNMENT!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.