Advertisers
NANAWAGAN ng tulong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa lider ng Estados Unidos na si Joe Biden upang tugunan ang pandaigdigang problema sa presyo ng petrolyo.
Masasabi ko na naging malakas ang loob ng Pangulo nang ihayag niya ito sa harapan ng maraming lider ng bansa sa ginanap na ASEAN Summit kamakailan sa bansang Cambodia.
Naroon din naman sa nasabing pulong ng mga lider si Biden pero ewan ko lang kung ano ang naging pakiramdam nito matapos [tila] isinampal ng ating Pangulo ang katotohanan na siya ang may tangan ng solusyon sa nasabing problema.
Matatandaan na si Biden ang pangunahing lider ng bansa na nanawagan sa buong mundo lalo na sa mga lider ng mga mayayamang bansa na patawan ng parusa ang Russia sa ginawa nitong digmaan laban sa Ukraine.
Sumunod ang marami sa panawagan na ito ni Biden bagaman alam ng ilan na may malaking negatibong epekto ito sa ekonomiya ng mundo lalo na sa mga itinuturing na mahihirap na bansa.
Siguro naman ay malinaw na sa ating mga kababayan lalo na ang kritiko ng kasalukuyang administrasyon na ang problema sa presyo ng petrolyo ay hindi dahil sa kakulangan o kahinaan sa pamumuno ng Pangulo.
Buong mundo ang problemado sa presyo ng petrolyo! At sa naturang pulong ng mga lider ay mismong ang ating Pangulo lamang ang naglakas ng loob upang manawagan kay Biden.
Subalit kung tatanungin mo naman si Biden kabilang na ang ibang lider ng bansa na kanyang kakampi ay natitiyak kong ituturo nila si Vladimir Putin ng Russia na siyang salarin sa nasabing problema.
Si Putin ang nagbigay ng desisyon upang giyerahin ang Ukraine na dati nitong nasasakupan noong buo pa ang Union Socialist Soviet Republic (USSR) na binubuo ng 15 republika o bansa.
Yun lang… habang nagtuturuan ang mga mayayamang bansa na ito, habang kanya-kanyang pasiklaban ng mga gamit pang digmaan ay hindi nila alintana ang patuloy na matinding epekto sa ekonomiya ng mga mahihirap na bansa tulad ng Pinas. Grrr
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com