Bago ang opening sa Nov. 21: Mayor Honey at VM Yul, nag-inspeksyon sa Manila Zoo

Advertisers
NAGSAGAWA ng inspection sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Manila Zoo bago ang nakatakdang opening nito sa November 21, 2022.
Ang dalawa ay sinamahan nina Parks and Recreation Bureau chief Pio Morabe, mayor’s spokesperson Atty. Princess Abante at mayor’s executive assistant, Evelyn de Guzman nang mag-ikot ito sa buong pasilidad ng zoo.
Inutusan ni Lacuna si Morabe na tiyaking tama ang mga nakasulat na pangalan ng mga hayup at halaman, pati na rin ang kanilang scientific names para sa kaalaman ng bibisitang mga bata.
Sa isang panayam matapos na mag-ikot ang grupo ng alkalde ay nabatid na lilimitahan lamang sa 2,000 ang bilang ng mga bibisita sa zoo dahil nasa pandemya pa ang bansa.
Ayon kay Lacuna, hinihikayat ang mga nagpaplanong pumunta sa zoo na bumili ng ticket online, via manilazoo.ph, pero may 500 slots naman ang nakalaan sa walk-ins. Maaring magbayad sa may kiosks, 7-11, bank transfer, credit card, GCash o Bayad Centers.
Kapag may special occasions tulad ng Christmas, sinabi ng lady mayor na ang kabuuang bilang ng mga bibisita sa zoo ay maaaring dagdagan.
Samantala, ayon kay Servo, base sa ordinansang ipinasa sa Manila City Council, ang presyo nf admission ay ang mga sumusunod: Adult and child – P150 para sa Manileño at P300 para sa ‘di taga-Maynila; Students – P100 para sa Manileño at P200 para sa ‘di taga-Maynila at city employes, P100. Senior citizens at persons with disability ay mayroong 20 percent discount habang ang children two years old and below ay libre.
Ang mga taga-Maynila ay maaaring magpakita ng kanilang government-issued IDs bilang patunay ng kanilang tinitirhan at para makakuha ng discount.
Nabatid kay Morabe na bawal ang pagdadala ng pagkain sa Manila Zoo, ito ay dahil sa isang pagkakataon na may namatay na isang hayup dahil nakakain ng plastic at iba pang hindi natutunaw na bagay.
Ang zoo ay magbubukas ng 9 a.m. at magsasara ng 8 p.m. Hanggang alas-6 ng gabi lamang tatanggap ng bisita.
Ang online registration at pagbili ng tickets via manilazoo.ph ay magsisimula sa November 20, 2022. (ANDI GARCIA)