Advertisers
Nadiskubre ng mga opisyal ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ang aabot sa 24.4 kilo ng samu’t-saring alahas na itinago sa loob ng isang eroplano.
Ayon kay Atty. Lourdes Mangaoang, Customs Deputy Collector for Passenger Services, nakita ang mga alahas sa loob ng eroplano ng PAL Flight PR301 mula Hong Kong na lumapag Huwebes ng gabi, Nobyembre 17.
Ayon kay Mangaoang, nakatanggap siya ng tawag mula sa Aircraft Operations Division na may nakitang plastik sa loob ng lavatory ng eroplano.
Una pang inakala nila na illegal na droga ito ngunit nang inspeksyunin doon na tumambad ang napakaraming mga alahas.
Ipinag-utos na ni Airport Customs District Collector Carmelita Talusan ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang may-ari ng mga alahas na posibleng sangkot sa naturang insidente.
Kung susumahin aabot sa P80 milyon ang halaga ng mga nakumpiska.(Jocelyn Domenden/Jojo Sadiwa)