Advertisers

Advertisers

Kompanya sa paghuhukay ng swimming pool sa NBP umurong na sa kasunduan

0 186

Advertisers

Iniurong na ng kompanyang bahagi ng kontrobersyal na paghuhukay sa New Bilibid Prison ang kanilang kasunduan kay suspended Bureau of Corrections chief Gerald Bantag.

Ito ang sinabi ni Virgilio Bote, presidente ng Agua Tierra Oro Mina Development Corporation (ATOM) noong Biyernes, Nobyembre 18 kung saan umatras na sila sa joint venture agreement (JVA) nitong

Huwebes at aalisin na rin ang kanilang mga equipment sa lugar.



“Naguguluhan na rin ako so sabi ko aalis na lang ako,” ani Bote.

Kabilang sa kopya ng kanilang JVA na ipinakita ang pagbabago sa New Bilibid Prison reservation sa

Muntinlupa bilang isang commercial, residential at industrial area.

Sa ilalim pa ng kasunduan, nagbigay ang ATOM ng 234 ektarya ng lupain sa General Tinio, Nueva Ecija sa BuCor upang patayuan ng bagong kulungan sa mga persons deprived of liberty (PDL) mula sa NBP at Correctional Institution for Women.

Ang pasilidad na tatawaging “Bagong Lupa”, itatayo ng ATOM at walang anumang gagastusin ang BuCor.



“Whereas, the First Party has decided to transfer the PDLs from NBP and CIW to Barangay Pias, General Tinio, Nueva Ecija, which will be called ‘Bagong Lupa’ consistent with its decongestion program and based on its mandate of safekeeping and reformation of PDLs,” saad ng JVA.

Sa oras naman na mabakante na ang Bilibid, ang 375.6 ektaryang lupain nito, gagawin nang isang commercial, residential at industrial area na wala ring anumang gastos mula sa BuCor.

Ani Bote, ipaparenta umano ito at hindi ibebenta.

“The agreement will take effect from its execution for a period of twenty five (25) years and renewal for another twenty five (25) years,” saad pa ng kasunduan.

Nagkasundo rin umano ang dalawang partido sa hatian ng kita kung saan 65% sa ATOM at 35% sa BuCor.

Samantala, nilinaw naman na hindi kasama sa development plans ang historical sites sa loob ng Bilibid.

Ayon kay Bote, planong patayuan sana ito ng F1 race track at water park.

“Bakit ‘yung Vietnam merong F1? Bakit tayo wala pa? Kasi maiiba ‘yung imahe ng ating bansa… Meron sanang Chinese na magre-rent doon, 20 hectares, P6 million a month, babayad sa BuCor for 25 years.

Sana may income na sana kaya lang hindi natuloy,” aniya.

“Sayang maganda po sana ang gusto ni Gen. Bantag na malipat po talaga ‘yung BuCor kasi ang problema sa BuCor ‘yung facility. ‘Yung design namin doon sa second floor at third floor titira ang mga inmates,” dagdag pa.

Nilinaw naman ni Bote na hindi niya intensyon na isikreto ang laman ng JVA.

Alam din umano ni dating Justice Secretary Menardo Guevarra ang naturang kasunduan.

“Sinubmit nya kay Sec. Guevarra, hinold po ni Sec. Guevarra. After three months nagtanong si DG Bantag kung bakit walang response. Wala ding response si Sec. Guevarra,” aniya.

“Nung nagpunta ako kay Secretary Remulla sabi n’ya ‘OK naman ‘yan, sige pag-aralan natin.’ Verbal lang na pag-aaralan sabi nya ‘maganda yan pero pag-aralan muna natin.’ Hanggang sa dumating ang problemang ito,” pahayag pa ni Bote, kung saan maging siya umano nagpunta naman mismo kay Justice Secretary Remulla.

Sa ngayon, wala pang tugon si Remulla kaugnay ng pahayag ni Bote.