Advertisers
SINISILIPAN ngayon si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Andres Centino, siguro dahil sa posibilidad na mabigyan ito ng bagong mataas na puwesto. Ganun?
Wala pa mandin ay binabaklas na ang heneral. Bakit? Inggit ba sila kay Centino?
Si Gen. Centino ay naging AFP Chief of Staff noong November 12, 2021 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pero nitong August 8, 2022 ay pinalitan siya sa puwesto ni Gen. Vicente Bartolome Bacarro.
Kaso hindi kinakatigan ng Board of Generals ang designation ni Bararro dahil ang kanyang compulsory retirement date ay September 8, 2022. Pero dahil sa Republic Act No. 11709, ang bagong batas na nagtatakda ng fixed term para sa senior officials na itinatalaga sa key position, walang naging hadlang sa pagkakatalaga kay Bacarro bilang AFP Chief.
Dahil din sa bagong batas, may tatlong taon na termino si Bacarro bilang AFP Chief. Nilagdaan ni Duterte ang RA 11709 Abril 2022 at naging epektibo ito Hulyo 1. Kaya si Bacarro ang kauna-unahang AFP Chief na nabigyan ng tatlong taon na termino kahit naging 56 anyos siya noong September.
Ang problema: Ang 4-star rank na dapat ay ibibigay sa isang AFP Chief ay hindi puwede ibigay kay Bacarro dahil hawak pa ito ni Centino na ang compulsory retirement date ay sa February 4, 2023 pa.
Oo! Habang nanatiling aktibo sa serbisyo si Gen. Centino, hindi makukuha ni Gen. Bacarro ang apat na estrelya. Saklap noh? Yan ay dahil sa naturang bagong batas…
Si Centino ay sinasabing nominado bilang ambassador to India. Pero sa ngayon ay nasa ‘floating status’ pa siya sa militar. At may bulung-bulungan nga na bibigyan ito ng ibang puwesto. At dito nagsimulang lumutang ang ilang isyu laban kay Centino.
Usap-usapan, mainit ang isang mataas na opisyal kay Centino. Ang termino ngang aming narinig ay “kinakanal” ng opisyal na ito si Centino. Bakit naman kaya? Insecure ba ang opisyal na ito kay Centino? Tsk tsk tsk…
Nitong Agosto, sinabi ng Malacañang na itatalaga si Centino sa isang bagong posisyon na “befitting a former chief of staff.” Ang posisyon ba bilang ambassador ay masasabi nating “befitting a former chief of staff”? Hmmm… Ano kayang posisyon itong ibibigay kay Centino at maagang nanggagalaiti itong isang mataas na opisyal?
Ano bang mga posisyon ang puwedeng ikawing sa isang dating AFP Chief? Secretary of National Defense (DND)? Puwede! pero paano naman ang retiradong heneral at dating AFP Chief na si Undersecretary Jose Faustino Jr., kasalukuyang officer-in-charge ng DND?
Puwede rin namang italaga uli bilang AFP Chief si Centino. Pero paano naman si Gen. Bacarro?
Sakali mang ilagay sa DND o ibalik bilang AFP Chief si Centino, isa kami sa naniniwalang karapat-dapat naman siyang bigyan ng mataas na posisyon. Yes! Swak siya sa anumang sensitibong posisyon sa pamahalaan. Pramis!
***
May panawagan ang mga CAFGU kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr.: Taasan naman daw ang kanilang allowance.
Wala kasing nangyari sa pangako ni noo’y President Dutertre na dagdagan ang allowance ng CAFGU na gawin itong P8K mula sa P4K.
At sana raw idirekta na sa kanilang ATM ang kanilang allowance, ‘wag nang idaan sa kanilang kumander. You know!