Mayora Honey sa MPD: Tugisin, source ng droga, police visibility, focus sa rape cases
Advertisers
TUGISIN ang mismong source ng illegal drugs, paigtingin ang police visibility at mag-focus sa rape cases.
Ito ang mga tagubilin ni Mayor Honey Lacuna sa Manila Police District (MPD) at bilang pagpapasinungaling na rin sa mga nag- aakalang kapag babae ang alkalde ay wala itong atensyon sa peace and order situation sa lungsod.
“Napakahalaga po sa akin ng peace and order. Siguro iniisip nila pag babae, di naka-focus ang peace and order. May areas na dapat tutukan, of course andiyan pa din ang problema sa droga,” pahayag ni Lacuna sa “Balitaan Sa Harbor View” ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA).
Sa puntong ito, sinabi ni Lacuna na bagamat natutuwa siya na nahuhuli ang mga drug users, hinikayat niya ang MPD sa ilalim ni Gen. Andre Dizon na tugisin ang mismong mga pinagmumulan ng illegal drugs sa lungsod.
“Okay na nakakahuli tayo ng drug users at nakakalungkot na kung sino ang walang kakayanan, siyang nagamit. But we have to go after the source kasi kung ito lang mga users ang matututukan, maliit lang. Pag nakuha ang source, mas madali mawawala ang mga gumagamit,” sabi ni Lacuna.
Inilarawan din ng lady mayor na “mga krimeng di katanggap-tanggap lalo na para sa ‘kin” tulad ng mga insidente ng panggagahasa , lalo na kung ang biktima ay menor de edad, ito ay dahil na rin sa may standing order na siya na bigyan ng espesyal na atensyon ang mga rape cases sa kabisera ng bansa.
Binigyan din ng alkalde ng espisipikong bilin si Dizon na bigyan ng importansiya ang pagpapaigting ng police visibility sa mga crime-prone areas kabilang na ang university belt area.
“Di lang ‘yung nakatayo o steady na nakikita ang pulis kundi dapat kumikilo, laging naglilibot. Pinatututukan natin ang university belt. Kahilingan ng schools na kung pwede, during time ng pagpasok at paglabas ay may nakaantabay na pulis,” sabi nito.
Sa kabuuan ay nagpahayag naman ng kasiyahan si Lacuna sa performance ng MPD lalo na sa ginawang hakbang nito sa paglalagay ng mga tarpaulins sa mga espesipikong lugar kung saan makikita at mababasa ng mamamayan kung saan sila hihingi ng police assistance kung kinakailangan. Umaasa din ang alkalde na maglalagay ang kapulisan ng police desks sa mga eskwelahan.
“In general, maayos at maganda ang performance ng kapulisan sa lungsod ng Maynila dahil sa pinaigting na police visibility dahil na din sa habilin ni NCRPO Chief BGen. Jonnel Estomo na habang natutulog ang mga tao, dapat sila ay gising,” dagdag pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)