Advertisers
Kahit na-bypass ng Commission on Appointments(CA) ay patuloy lang sa kanyang pagta- trabaho si Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo.
Sa gitna ng hindi pagkumpirma ng kanyang appointment ng CA, sinabi ni Tulfo na humingi umano siya ng ‘guidance’ kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ang sinabi umano nito sa kanya sa pamamagitan ng text ay ipagpatuloy lamang niya ang kanyang trabaho, kaya naman ito ang mismong ginagawa niya.
Hanggang sa Marso 2023 pa naman pala mage-expire ang pinirmahan niya noong siya ay nanumpa mismo kay PBBM.
Sinabi ni Tulfo na kahit na-reject ng CA ang kanyang appointment ay nakahanda pa rin siyang magsilbi sa bayan.
Ayon pa kay Tulfo, wala namang magagawa ang ehekutibo tungkol sa isyu dahil trabaho ito ng lehislatura.
Ang nakapagtataka, ultimo mga libel cases na kinaharap ni Tulfo ay kinalkal ng mga mambabatas, gayung alam naman nilang dati itong journalist at kasama sa trabaho ng mamamahayag ang mga kasong libelo.
At ‘yung sinasabing hindi maaring maupo si Tulfo dahil ang kasong libel ay ‘involving moral turpitude,’ sa aking pagkakaalam, ito ay naga-apply lamang kung ang pinag-uusapang posisyon ay ‘elective’ o ‘yung nakuha sa halalan.
Ang pagiging DSWD Secretary ay isang ‘appointive’ position o puwestong nakukuha sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Pangulo.
Hindi kaya may mga nasagasaan si Tulfo sa mga nakaupong mambabatas sa kasalukuyan at naghihiganti ang mga ito?
O kaya naman, hindi kaya ang gusto ng ilang mambabatas ay ‘magmano’ sa kanila si Tulfo o magkaroon ng utang na loob para anuman ang hilingin nila sa DSWD ay hindi ito makakatanggi?
Isa si Tulfo sa mga unang-unang itinalaga ni Pangulong Marcos, Jr. at palagay ko naman, hindi ito mangyayari kung alam ng Pangulo na walang kuwenta si Tulfo at hindi makakatulong sa kanyang administrasyon.
Na-testing ang kasipagan at dedikasyon ni Tulfo pati na din ng taong kinuha niya na kasamahan sa tanggapan, pagdating sa trabaho at pagtulong sa mga nangangailangan sa mga nagdaang kalamidad sa bansa, partikular na nitong nagdaang bagyong “Paeng”.
Hindi lamang siya basta nag-utos bagamat pupuwede naman. Sa halip, siya mismo ang nanguna sa relief operations.
Nang iutos niya na walang pupuwedeng mag-leave kapag may kalamidad, nanguna rin siya dahil sarili niyang leave ay kinansela niya.
Itong mga mambabatas na kung ano-ano ang sinisilip sa kanya, mas mainam siguro kung sarili muna silipin nila. Pakaingat sana sila dahil baka mas madaming masisilip sa kanila.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.