Advertisers
PINURI ni Quezon Representative David “Jay-Jay” Suarez ang Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) at binansagang “best marketing strategist,” dahil sa magandang ibinunga ng mga pulong na dinaluhan ng ating Punong Ehekutibo.
Tinuran ni Cong. Suarez ang mga biyahe ni PBBM gaya ng Bangkok, Thailand kung saan naiparating ng Pangulo ang mga interes at mga hangarin ng bayan, at nakapag-uwi pa ng maraming pangako ng mga namumuhunan na handang makipag-negosyo sa ating bayan. Makakagawa pa ito o makakapagbigay pa ng trabaho sa marami nating kababayan.
Sabi pa ni Suarez, naibenta nang maayos ni PBBM ang maraming potensiyal na bahagi ng bansa gaya ng pagkain, agrikultura at enerhiya.
Sa nasabing pagpupulong sa Bangkok para sa ika-29 na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting, napatunayan ni PBBM na mahusay siyang talaga gumamit ng marketing strategy.
Nagawa niyang maialok ang Pilipinas sa mga lider ng Kingdom of Saudi Arabia, France, Australia, New Zealand, at China, nang maka-bilateral meeting niya ang mga ito.
Naging daan tuloy ang kanilang pag-uusap para maimbitahan si PBBM na bumisita sa kanilang mga bansa upang maipagpatuloy ang pagkakaibigan ng dalawang bansa at makapag-usap ng masinsinan.
Di lamang mga lider ang kanyang ginamitan ng marketing strategy, kung di maging malalaking negosyante at mga executives ng malalaking kumpanya gaya ng Thai-based Siam Cement Group (SCG).
Di lang yan, hinarap din ng Pangulo kasama ang Unang Ginang, ang Filipino community doon upang pasalamatan sa kanilang pagtitiyagang mangibang bayan para magtrabaho doon para sa kanilang mga pamilya at bayan.
“Our President was well received and widely applauded by leaders all over the world. Truly, he is a well-rounded political leader who can and will ably lead our country forward,” ang paglalarawan ni Suarez kay PBBM.
Di lang natin alam, kung may iba pang agenda si Cong. Suarez sa mga pahayag na ito.