Advertisers

Advertisers

PAGTATAMA sa PAGKAKAMALI

0 10,651

Advertisers

ISANG piyesa ng domino ang kantiin malalaglag ang kabuuan lalo’t magkakalapit ang mga piyesa ng nasaling. Ang kaayusang ito’y nag kaganapan sa pamahalaan ni Boy Pektus ng masipa ang Executive Secretary na si Bikoy sa pwestong tangan. Marami sa naitalagang mga pinuno ng mga opisina ng pamahalaan ang sinipa sa ‘di batid na dahilan o hindi ganap ang kwalipikasyon na maging pinuno ng ahensya o’ malapit sa sinibak na si Bikoy. Sa pagkakatalaga sa dating punong mahistrado bilang bagong Executive Secretary, nagsimulang gumalaw ang opisina ng ES sa pag-aaral ng mga naitalaga sa iba’t – ibang ahensya ng pamahalaan. Sa tindig ESB, marami ang kinabahan dahil nakabinbin ang pwestong paglalagyan. At sa mga naitalaga, kinakabahan dahil pa nakapanumpa na at baka masilip at masipa. At kung masipag, paalam na sa perang panlakad.

Sa totoo lang, marami na ang nasipa sa pwesto ng pumasok ang matandang taga Bangued, at kagyat inalam ang mga taong naka upo. Nariyan napalitan ang pinuno ng ahensya na nagmamando sa kalakalang Maynila. Hindi naging malaking balita ang kaganapang ito. Di tulad ng pagkakasipa sa unang talaga na tagapagsalita ni Boy Pektus. Nasundan ito ng ilang paglisan sa pwesto ng mga taong nangampanya sa Inutile. Dahil bagyo ang dating kay Boy Pektus, naitalaga ito bilang isang Presidential Adviser na may P1.00 sahod, hehehe at nailipat ang kaibigan sa ibang pwesto dahil hindi maka-ayaw si Boy Pektus sa kahilingan nito, di ba Aling Tonya. At sa pagkakataong ito nagbigay daan si ESB ngunit pinaramdam na hawak nito ang timon.

Hindi pa man nagtatagal, nariyan ang Ombudsman, na hinatulan ang Administrator ng isang opisina ng anim na buwan na pagsususpendi. Proyekto nito ang kababalaghan sa Manila Bay ang pasyalan ng mga taong naghahanap ng sariwang hanging dagat at mapulang buhangin sa kaMaynilaan. Pinalad na maitalaga sa patubig na walang alat ngunit minalas ng makipagkagatan sa Employees Association ng opisina. Ayun nakitaan ng dahilan ng isa pang dating Justice sinuspinde ng anim na buwan ng walang sahod. Hindi masakit ang walang sahod, ang masuspinde at maalis sa pwesto tangan ang pinanghihinayangan. At hindi kagyat na sumuko, gumawa ng press released na pampakinis, na kesyo ‘di umano tumatanggap ng suhol ang mama, ‘di naman iyon ang usapin, hehehe. Hindi dito natatapos ang usapin, nagpahayag si Boy Pektus na sa pagkakasuspinde ng administrator ng NIA, tatahimik na sa opisinang binanggit. Tagumpay ang mga empleyado.



Sa ibang pangyayari, nariyan ang mainit na usapin ng pagpapalit ng pinuno ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpahayag na kung may dapat bayaran kailangan singilin. Sino ba ang may usapin ng bayarin? Hindi naging maganda ang pahayag na ito sa pandinig ng puno ng Balite sa Malacanan. Hayun sinibak, pinalitan ng mas maunawain sa kalagayan ng nagtatalaga. Walang pahayag ng singilan ngunit paiigtingin ang pangongolekta ng buwis sa taong bayan. At ang dahilan kung bakit nakuha ang upuan ng bata ng Kalihim ng Kagawarang Pinansya. Kasunod nito ang pag-ugong ng balita na papalitan si Ben Nojoke ng isang Kinatawan na malupit sa paghahanap ng kaperahang Pambansa na malapit sa kay bansot. Magandang abangan sa susunod na mga araw.

Sa totoo lang, sa aga ng pagtalaga ng pamahalaang ito, marami sa mga naitalaga ang sumemplang sa pagkilatis ng Commission on Appointment. Tila hindi ipinatupad ang Complete Staff Work (CSW) na basehan ng pagkakatalaga sa mga pwestong may basbas ng pangulo o sadyang hindi inayos ni Bikoy ang trabaho. O nakaramdam ito na kailangan ng kasama sa mga masisipa pagdating ng tamang panahon. Napansin ni Mang Juan kahit na ang paborito Kalihim na namimigay ng ayuda’y hindi naka takas sa matalas na mata ng mga Congressman na nasilip maging ang pagiging chickboy at ang dalawang citizenship nito. Sorry Mang Juan may sampung anak ito at apat na asawa.

Samantala, hindi nagmamadali ang pamahalaan sa paghahanap ng mga taong itatalaga sa mga kagawaran na walang regular na kalihim.Bakit hindi italaga ang kasalukuyang OIC ng tulad ng sa DOH bilang regular na gabinete. O’ bakit hindi bitawan ni Boy Pektus ang kagawarang hawak ng may tumuon dito ng 100%. O baka may hinihintay na matapos ang 1 year ban sa mga kasamang tumakbo sa nakaraang halalan. Sa pagkaantala ng pagkakatalaga at ang pagsipa sa mga taong hindi dapat ang nagpapabagal sa serbisyong dapat sa bayan. Hindi makatakbo sa tamang rota ang mga programa lalo’t walang lisensya ang nagmamaneho o dahil part time ito sa pwesto.

Tama ang pagsipa sa mga naitalagang opisyal lalo’t may pagmamalabis sa opisinang pinamumunuan. Subalit hindi sapat ang sipaan, kailangan ding punuan ang maraming sangay ng pamahalaan na OIC ang tumatayong puno ng opisina. Dahil limitado ang galaw ng mga ito lalo sa MEMO No. 3 na naglilimita sa aksyon na dapat. Ang hindi napupuno ang mga posisyon ang naglalagay sa mga nakaupo na hindi maibigay ang lahat upang mapatakbo ang opisina ayon sa mandato. Sa ngayon, marami sa mga taong Dabaw ang ayaw magkusang bumitiw dahil nasarapan sa pwestong tangan. ESB bilisan ang appointment at panunumpa ng mga dapat italaga.

Halos anim na buwan na ang pamahalaan ni Boy Pektus, marahil nasa dulo na ng pag-aaral sa mga opisina ng pamahalaan na dapat malagyan ng tamang tao. Alisin ang pagmamalabis at umupo ang karapat dapat na una ang bayan bago ang sarili, Nariyan na masakit ang mga gagawing desisyon ngunit kung ito ang dapat para sa bayan, gawin. Kasuhan ang dapat kasuhan at panagutin sa salang nagawa. Hindi dapat maging dahilan ang pagiging malapit sa dating pamahalaan upang makaiwas sa mga usapin na dapat harapin. Unahin ang pangako sa bayan ng walang kinikilingan. Kung sa takbo ng paglilinis at pagtatalaga’y makaharap ng balakid, batid ni ES ang gagawin.



Ang kaganapan sa nakaraan ang batayan sa pagsulong sa kinabukasan. Ang maling taong naitalaga at nasipa’y ituring na isang aral na masakit sa puso ngunit kailangan sumulong para sa kabutihan ng bayan at mamamayan. Ang pwestong tangan na ibinigay ng bayan ang pinakamataas na dahilan upang isulong ang tama at umiwas sa pagkakamali. Ang pagtatama sa pagkakamali’y isang kalakasan ng pinunong may basbas ng bayan. Hindi pagsisihan sa kinabukasan ang tamang gawa sa halip ito’y ikalulugod ng sarili at ng bayan.

Maraming Salamat po!!!