Advertisers
Inilabas na ng pamunuan ng Quiapo church ang ilang mga iskedyul para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Black Nazarene sa Enero 9, 2023.
Sa ginanap na orientation nitong Huwebes, sinabi ng pamunuan ng Simbahan ng Quaipo na lahat ng elemento ng pagdiriwang kumpleto maliban sa ‘pahalik’ at ‘pasanan’.
Sinabi ni Alex Irasga, adviser ng Simbahan ng Quiapo na pareho pa rin ang aktibidad pero hiwa-hiwalay ang iskedyul upang maiwasan ang pagdagsa ng mga deboto dahil nasa gitna pa rin ng pandemya dulot ng COVID-19.
Kaya naman aniya ang dating tawag na Traslacion tatawagin na itong Nazareno 2023.
Paliwanag pa ni Irasga, sa halip na Pahalik, tatawagin na lamang itong ‘pagpupugay’ kung saan maari pa ring lumapit sa imahe pero kailangan munang mag-alcohol bago at pagkatapos magpunas sa imahe ng Itim na Nazareno. Kailangan ding naka-facemask ang mga deboto.
Magpapatupad din ng 7Ps o ang mas pinalawak, pinalakas na panalangin sa pagdiriwang ng pista ng Nazareno sa panahon ng pandemya.
Dahil dito, mahigpit na ipatutupad ang health protocols at hiwa-hiwalay ang pagdiriwang upang mapangasiwaan ng maayos ang mga deboto.
Ilan sa mga aktibidad ang pagpapadala ng imahe ng Nazareno sa iba’t ibang lalawigan, sektor at komunidad mula Disyembre 1 hanggang 15 at mula Disyembre 27 hanggang 29 para sa pagbabasbas sa mga replica ng Itim na Nazareno.
Ang Pahalik o tinawag na ngayong Pagpupugay at pagsasagawa ng misa gaganapin sa Quirino Grandstand sa Enero 7.
Sa Enero 8 ng madaling araw naman gaganapin ang “Walk of Faith” kung saan magkakaroon ng sunod-sunod na misa Hanggang sa Enero 9 o ang mismong Kapistahan ng Quiapo.
Mula naman sa Quirino Grandstand, magkakaroon ng prusisyon o motorcade pero wala nang ‘andas’ na makikita.
Ayon pa kay Irasga, dadaan ang imahe sa Jones Bridge kung saan magkakaroon ng tinawag na “sungaw” nang imahe ng Mahal na Birhen ng Soledad at pagsapit naman sa tapat ng Sta. Cruz church, ilabas din ang imahe para sa sungaw. (Jocelyn Domenden)