Advertisers
PATULOY ang operasyon ng mga saklaan sa mga bayan ng Tanza, Indang at General Mariano Alvarez (GMA) sa Cavite; Padre Garcia, Sto Tomas City at Lipa City sa lalawigan ng Batangas; gayundin sa ibat ibang mga bayan at siyudad sa probinsya ng Laguna; ngunit ang ipinagtataka ng mga mamamayan at ng grupo ng anti-crime and gambling crusaders ay hindi kumikilos si PNP Region 4-A Director PBG Jose Melencio Nartatez Jr. at ang mga provincial director nito sa mga naturang lalawigan.
Pakiwari ng Anti-crime and vice crusaders, si Gen. Nartatez Jr., ay “binubulag”- ibig sabihin, hindi siya nabibigyan ng tamang impormasyon ng kanyang mga provincial director o kaya’y may mga opisyales siya na nakikipagkutsabahan sa mga operator ng saklaan.
Kung hindi lang ibinuking ng ating mga KASIKRETA ang operasyon ng sakla nina Santiago/Tagoy at Eric Turok, ng ilang mga malalapit na tauhan daw ni Cavite Gov. Junvic Remulla at Aileen Landi sa mga munisipalidad ng Tanza, Indang at GMA ay tiyak na laganap na rin sa iba pang mga siyudad at bayan sa buong lalawigan ng Cavite ang naturang iligal na pasugalan.
Ngunit nganga lamang, walang aksyon laban sa mga nasabing sakla operator si PNP OIC Provincial Director, P/Col. Christopher F. Olazo.
Palibahasa’y di matugunan ni Col. Olazo ang inaasahang mahusay na serbisyo sa kanyang mga kababayan, hiling ng Anti-crime and vice crusader ay palitan na ito sa pwesto, gayong isa pa lamang itong OIC PD ng Cavite.
Sa probinsya ng Batangas ay di rin kumilkios si Batangas PNP Provincial Director, Col. Pedro Soliba, kahit dagsa na ang reklamo laban sa sakla operation malapit sa PGMCI Rural Bank, sa Gen. Malvar Street, Padre Garcia sina alias Tisoy at Nonit.
Silang dalawa rin ang nag-ooperate ng STL con-jueteng at STl con-droga sa lahat na barangay ng nasabing bayan na nasa pamumuno ni Mayora Celsa Braga-Rivera.
Ang magkasosyong Estole at Aying naman ang nagpapatakbo ng sakla lalo na sa mga may burol ng patay sa mga komunidad ng 72 barangay sa Lipa City at may saklaan din sa loob ng Tombol Cockpit sa Brgy. Quilib bayan ng Rosario ang Sakla Queen ng Batangas na si Marivic.
May mga saklaan din sa mga barangay ng Sta Clara, San Roque, San Pedro, San Francisco, at Sta Maria ang isang Timmy at Magsino na nagpapakilalang tauhan ng alkalde ng Sto Tomas City.
Mas palasak ang sakla operation sa hurisdiksyon ni Laguna PNP Provincial Director Col. Randy Glenn Silvio, katunayan ay may mga saklaan sina Jayson alias Bok sa Calamba City, Joan at Robert sa Cabuyao City, Rose sa Poblacion Los Banos, Sgt. Oruga- Bagong Karsada, Calamba City, Castillo sa bayan ng Bay, Ronnie at Junjun sa Brgy. Aplaya, Calamba City, Leviste sa Liliw, Nagcarlan at Victoria, Rose sa Victoria at Nagcarlan, Castillo at Gary sa San Pablo City, Katimbang sa Rizal at Bong sa Sta Rosa, Cabuyao, Calamba City at San Pablo City.
Lintek din naman, sa sakla joint pa lamang pala ay daang libo na ang kinokolektang intelhencia ng “kapustahan” (tong kolektor) na si alias Sgt. Corpuz aka Butch para sa tanggapan ng Laguna Provicncial Police Office?
Sa tingin ng ating mga KASIKRETA, napaglalalangan nga yata si Gen. Nartatez Jr., ng kanyang mga pinagkakatiwalaang opisyales, kampante ito sa kanyang opisina sa Camp Vicente Lim, Laguna at tila hindi niya alam ang mga operasyon ng sangkaterbang saklaan sa kanyang hurisdiksyon.
Kung magiging malambot at undecisive si Gen. Nartaez Jr., tungkol sa modus na ito, aba’y magiging laruan lamang siya ng mala-sindikatong operator ng nasabing pasugal at kalaunan ay ang kanyang pamununo- sa huli imbes na hangaan, magiging palpak ang paningin ng taumbayan sa kanyang liderato?
Sa tagal na sa iligal na negosyong ito ang mga magpapasakla ay nagkaroon na din ng mga kontak sa National Bureau of Investigation (NBI), Criminal Investigation Division and Detection Group (CIDG) at iba pang sangay ng gobyerno, kaya kayang-kaya na paikutin ng mga damuhong iligalista itong si Gen. Nartatez Jr., na bago pa lamang sa pwesto dahil naluklok lamang itong RD4A noong nakaraang Agosto 2022.
May napasakamay pa nga ang inyong lingkod na listahan ng mga kinokolekta ng mga “kapustahan” (tong kolektor) na milyong halaga ng intelhencia para sa isang code name RC mula sa mga gambling operator sa CALABARZON area, kasama ang mga nabanggit sa sakla maintainer.
Kaya ang suhestiyon natin kay Gen. Nartatez Jr., aba ay magmatyag sa mga nangyayari sa Cavite, Batangas at Laguna lalo na sa pasugal na sakla dahil baka ang inaasahan niyang mga provincial director ay hindi nag-uulat sa kanya ng tama at totoong nangyayari sa larangan ng iligal na pasugal lalo na sa sakla operation simula nang siya (Gen. Nartatez Jr.) ay maluklok sa kanyang puwesto?
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp # 09664066144