Advertisers
PATAY ang tatlong teenagers nang makipagbarilan sa mga pulis sa Lambayong, Sultan Kudarat, Biyernes ng madaling-araw.
Hindi pa pinangalanan ng pulisya ang tatlong napatay na kabataan.
Ayon kay Major Jenahmeel Toñacao, hepe ng Lambayong Police, pinatigil ng mga pulis ang tatlong kabataan na lulan ng motorsiklo sa checkpoint sa Barangay Didtaras pero humarurot patakas ang mga ito.
Sinabi ni Toñacao na kasunod nito, pinaputukan ng tatlong kabataan ang mga pulis na humahabol sa kanila nang makorner, nagbunsod ng engkuwentro. Bulagta ang tatlong bagets.
Sinabi ni Toñacao na narekober ng mga police forensic experts ang dalawang .45 caliber pistols sa tabi ng mga bangkay ng tatlo at nakakuha rin ng sachet ng shabu mula sa bulsa ng suot na damit ng isa sa mga napaslang.
Samantala, hiniling ng mga kaanak ng mga napatay na teenager sa Commission on Human Rights na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente nang igiit na biktima ng “rubout” ang tatlong napaslang na menor-de-edad.