Advertisers
PUNTIRYA ng Cignal na makaresbak sa oras na muli nitong makaharap ang defending champion Petro Gazz sa Game 2 ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Martes sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nalasap ng HD Spikers ang 21-25, 25-27, 25-27 kabiguan sa kamay ng Gazz Angels sa Game 1 ng best-of-three championship series Huwebes sa Smart Araneta Coliseum.
Bigo ang Cignal na matagpuan ang solidong kumbinasyon dahilan upang lumasap ito ng straight set loss sa Petro Gazz.
Malaking pasakit pa ang 19 errors na nagawa nito.
Kaya naman tututukan ni Cignal head coach Shaq Delos Santos ang mga pagkakamali ng kanyang tropa sa Game 1 at umaasang hindi na ito mauulit pa sa susunod na laro.
Sa kabila ng kabiguan, ipinagmamalaki ni Delos Santos ang kanyang bataan lalo pa’t nakaabot ang mga ito sa finals.
Sa Game 1, tanging si American import Tai Bierria lamang ang nagtala ng double digits kung saan umiskor ito ng 18 markers.
Inaasahang babantayan ng HD Spikers si Gazz Angels import Lindsey Vander Weide na nagtala ng career-high 34 points sa Game 1.