Advertisers
Muling umapela si Senator Christopher “Bong” Go, chair ng Senate committee on health and demography, sa Executive Branch na pabilisin ang disbursement ng mga benepisyo para sa healthcare workers.
Sa ambush interview pagkatapos ng Bicameral Conference Committee meeting sa Manila Golf Club sa Makati City, sinabi ni Go na hangga’t nagdudulot ng panganib ang COVID-19 sa kaligtasan ng healthcare workers, dapat silang patuloy na makakuha ng mga benepisyo at kompensasyon mula sa pamahalaan, alinsunod sa batas.
“Para sa akin, hangga’t nandyan si COVID, nandiyan pa po ang banta lalung-lalo na po sa ating frontliners, ating mga healthworkers. Dapat pa ring i-compensate natin sila,” ani Go.
“Bigyan sila ng allowances, bigyan sila ng incentives (na nararapat sa kanila ayon sa batas),” iginiit niya.
Sinabi ng senador na ang mga benepisyo ay hindi maihahambing sa mga sakripisyong ginagawa ng mga healthcare worker para matiyak na protektado ang mamamayang Pilipino mula sa virus.
“Napakaliit na halaga lang po nito sa sakripisyong binigay nila para sa bayan. Hindi po natin ito makakamit kung hindi sa tulong ng ating mga healthcare workers, sa tulong ng ating frontliners,” ani Go.
Noong Disyembre 1, inihayag ng Kagawaran ng Kalusugan na nagpapatuloy ito sa regular na pagbibigay ng mga benepisyo at allowance sa mga healthcare worker na nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong sektor.
Ginawa ng DOH ang pahayag bilang tugon sa isang protesta na idinaos sa harap ng headquarters ng Health Department ng mga healthcare worker na humiling na ilabas ang kanilang mga benepisyo at allowance.
Samantala, sinabi ni Go na ang mga benepisyo para sa mga healthcare worker ay dapat pa ring bahagi ng pambansang badyet para sa 2023.
“Naglaan po ng P19 billion sa programmed at P52 billion sa unprogrammed. Ngunit itong unprogrammed po ay hahanapan pa po ito ng pondo,” anang senador.
“‘Yan po ang magiging malaking hamon, problema po ng ating finance manager kung paano nila ito hahanapin ng pondo,” dagdag niya.
Hinimok ni Go ang mga tagapamahala ng pananalapi ng gobyerno at mga opisyal ng kalusugan na maghanap ng mga paraan upang ipagpatuloy ang pagbibigay sa mga manggagawang pangkalusugan, na muling idiniin ang kanilang napakahalagang kontribusyon sa paglaban sa COVID-19.
“Maliit na halaga sa sakripisyong ginawa nila. Ulitin ko, hindi po natin makakamtam itong inabot natin sa ating kampanya laban sa COVID-19 kung hindi po dahil sa ating mga frontliners na nagbuwis po ng buhay,” paliwanag ng mambabatas.