Advertisers
Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tingnan ang posibilidad ng pagbibigay ng subsidya sa mga may mababang-kitang sambahayan at mga estratehikong sektor sa gitna ng epekto ng tumataas na inflation.
Sa isang ambush interview matapos personal na tumulong sa mga biktima ng bagyo sa Noveleta, Cavite, binigyang-diin ni Go na ang pagtaas ng inflation ay dala pa rin ng pagtaas ng presyo ng gasolina at ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kaya iminungkahi niya na pag-aralan ng gobyerno ang posibilidad ng pag-subsidize at pagtulong sa mga kabahayan na may mababang kita at mga apektadong sektor na tinatamaan ng pagtaas ng presyo.
“Nananawagan ako sa Executive Department kung pwede pong magbigay ng mga ayuda pa sa mga apektado dito. Subsidy, halimbawa, sa mga tsuper, subsidy sa kanilang pagmamaneho, fuel subsidy sa mga mahihirap,” sabi ni Go.
Ayon sa Philippines Statistics Authority, ang taunang inflation para sa buwan ng Nobyembre ay tumalon sa 8.0%, ang pinakamataas na rate ng pagtaas sa loob ng 14 taon, bilang resulta ng pagtaas ng presyo ng pagkain.
Ang naiulat na bilang ay mas mataas kaysa sa 7.7% na nakita sa mga numero ng inflation noong Oktubre at mas mataas sa 7.8% na pagtatantya ng Reuters. Ang mas malaking paggasta sa pagkain ang nagdulot ng malaking pagtaas.
Ang mga pananim tulad ng mga gulay, palay, at prutas na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo ay nag-aambag sa mas mataas na presyo ng pagkain.
Sinabi ni National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan sa isang pahayag na ang pamahalaan ay patuloy na nagpapatupad ng mga target na subsidyo at mga diskwento upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga mahahalagang bilihin, lalo na para sa mga mahihinang sektor at mga mababang kita ng ating lipunan.
Hinikayat ni Go ang Department of Trade and Industry na bantayan ang mga presyo at tiyaking walang magsasamantala sa sitwasyon. Binigyang diin niya na ang bawat centavo ay mahalaga sa karaniwang Pilipino.
“Bantayan po ng DTI ang pagtaas ng presyo at wala pong dapat manamantala,” giit ni Go.
“Walang dapat mag-take advantage sa sitwasyon dahil hirap po ang mga PIlipino. Bawat piso po ay kasama sa ordinaryong Pilipino lalo na po ang mahihirap,” ayon sa senador.