Advertisers
Matapos harangin ng makailang ulit ay natuloy na din sa wakas ang matagal nang inii-schedule na pagbisita ng mga lokal na opisyal ng Maynila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pangunguna siyempre pa, ng alkalde ng lungsod na si Mayor Honey Lacuna.
Biyernes, alas-11 ng umaga nang harapin ni PBBM sa kanyang tanggapan sa Malakanyang sina Mayor Honey, Vice Mayor Yul Servo-Nieto, 37 konsehal at anim na Congressman ng lungsod na pinangunahan nina Congressmen Joel Chua (3rd district) at Rolan Valeriano (2nd district). Naroon din sina CongressmanEdward Maceda (4th district); Ernix Dionisio (1st dist.); Irwin Tieng (5th dist) at Bienvenido Abante (6th dist).
Natutuwang ibinalita ni Mayor Honey na naging maganda ang kauna-unahang paghaharap na naganap sa pagitan nila at ng Pangulong Marcos, Jr., na aniya ay mahalaga dahil nasa Maynila ang Malakanyang.
Sa kanilang pagpupulong, nagpahayag ng buong pagsuporta si Lacuna sampu ng kanyang administrasyon at mga halal na opisyal ng lungsod, bilang tugon na rin sa panawagan ng pagkakaisa ng Pangulo.
Suportado umano ni Lacuna lahat ng kapuri-puring plano at programa ng Pangulo na para sa benepisyo ng bawat Pilipino.
Hiniling din niya na sana ay maisama sa prayoridad na listahan ni President Marcos, Jr. ang lungsod ng Maynila dahil umaabot ng 2 million ang populasyon ng lungsod at lahat ay ginagawa umano ng pamahalaang-lokal upang maihatid sa mga residente ang lahat ng uri ng tulong sa ilalim ng Social Amelioration Program. Ang nasabing programa ay nagbibigay ng pinansiyal na tulong sa pamamagitan ng buwanang cash allowance para sa lahat ng senior citizens, solo parents, PWDs (persons with disability) at Grade 12 Senior High School students sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod, gayundin sa college students mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila.
Bukod pa aniya ang operasyon ng anim na LGU hospitals —isa kada distrito– na nagbigigay ng libreng sebisyo-medikal at 44 health centers.
Umaasa umano ang Maynila na gagabayan at tutulungan ito ng Pangulo bilang kabisera ng bansa, upang makapagdala sila ng mas maganda pang serbisyo sa mga mamamayan nito.
Gayundin, ikalulugod umanong lungsod kung makadadalo si Pangulong Marcos, Jr. sa mga aktibidad at events ng lungsod sa hinaharap.
Natuwa naman si Lacuna nang marinig sa Pangulo mismo na itinuturing na niya ang sarili niya bilang isang ‘constituent’ ng Maynila, lalo na nang ihayag nito ang kahalagahan na magtulungan ang national at local government ng Maynila.
Dahil ang mga pamahalaang-lungsod ang siyang may direktang kontak sa mga mamamayan nito, naniniwala si Pangulong Marcos na malaki ang maaring maitulong ng mga LGU para magtagumpay ang bansa.
Maganda ang kinalabasan ng unang pagtatagpo ng Pangulong Marcos at ni Mayora Honey Lacuna, gayundin ang mga halal na opisyal ng lungsod.
Kataka-taka lamang na sa lumabas na press release ng Office of the Press Secretary matapos ang pulong, wala ni isang banggit sa pangalan ni Mayor Honey Lacuna at sa halip ay nagmistulang blind item ang istorya na nakalagay lamang ay ‘local officials’ ang pinulong ni PBBM.
Alam naman ng lahat na sila ay nasa magkaibang partido politikal nitong nakaraang halalan pero sa pagharap ni Presidente Marcos kay Mayor Honey Lacuna, ibig lamang sabihin ay bukas na talaga sa pagkakaisa ang parehong kampo kaya sana ay huwag sirain ng ilan na may ibang motibong politika.
Pagkakaisa ang panawagan ni Pangulong Marcos at tumugon naman diyan sina Mayor Lacuna at mga kasamahang opisyal. Wala na sanang kumontra pa para naman umusad nang tuloy-tuloy ang Maynila at ang ating bansa mismo.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.