Advertisers
Hindi na nakakagulat na ‘pasok’ si Manila Mayor Isko Moreno sa listahan ng ‘Most admired men and women in the Philippines in 2020.’
Pumangatlo lang naman siya sa listahan, na pinangunahan siyempre pa ni Pangulong Rodrigo Roa-Duterte at sinegundahan ni Senador at Philippine boxing icon Manny Pacquiao.
Kapuna-puna na siya rin lang ang katangi-tanging pinuno ng local government unit (LGU) o mayor na nakapasok sa naturang listahan.
Sa kabilang banda, nanguna naman ang aktres na si Angel Locsin, 2019 Miss Universe Catriona Gray at singer-actress na si Sarah Geronimo sa listahan ng mga hinahangaang babae sa Pilipinas.
Nagpahayag ng malaking pasalamat si Mayor Kois sa panibagong karangalang tinamo niya, lalupa’t matitindi ang mga nakasama niya sa listahan.
Aniya, gagamitin niya ang pagkilalang tinanggap bilang inspirasyon upang higit pang magsumikap na magampanan ang kanyang tungkulin, mapagsilbihan at mapaganda pang lalo ang buhay ng mga Manilenyo na kanyang nasasakupan.
“I thank the YouGov for this welcome affirmation of appreciation of what we in the city government are doing, particularly by the citizens of Manila. This will inspire me even more to strive harder in serving Manilans and making their lives better,” anang alkalde.
Hindi na ito nakagugulat dahil nakilala na si Mayor Kois hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa, dahil sa di mabilang at magagandang proyektong isinulong niya para sa lungsod at ngayon ay tinatamasa ng mga taga-Maynila, gayung mahigit isang taon pa lang siyang nauupo bilang alkalde.
Si Mayor Kois, na ika-22 alkalde ng Maynila, ang pinakabatang naging alkalde ng lungsod, na siyang kapitolyo ng bansa.
Akalain nyo, tinalbugan pa niya ang sikat na action star at pilantropong si Jackie Chan at maging si Pope Francis? Nakakuha ng 7.96 percent rating si Mayor Kois, pangatlo kina Duterte na nakakuha ng 19.67 percent at Pacquiao na merong 10.65 percent.
Ani Mayor Kois, buong kababaang-loob siyang nagpapasalamat sa pagkakapili sa kanya bilang ikatlo sa listahan ng mga hinahangaang Pilipino at sigurado, magsisilbing bitamina ito ng alkalde para pag-ibayuhin pa lahat ng kanyang mga ginagawa para sa lungsod at mamamayan nito.
Congratulations kay Mayor Kois. Karapat-dapat ka sa pagkilalang ibinigay sa iyo at sana ay dumami pa ang kagaya mo, na walang inisip at ginawa kundi para sa ikabubuti lalo na ng mahihirap na residente ng Maynila, lalo ngayong pandemya.
Napakasuwerte talaga ng Maynila sa pagkakaroon ng talagang butihing alkalde at gayundin, ng kasimbait at kasing-sipag na kaagapay sa katauhan ni Vice Mayor Honey Lacuna.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.