Advertisers
Nagpaalala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pasahero ng mga sasakyang-pandagat sa bansa na ipinagbabawal ang pagdala ng anumang uri ng paputok o pailaw sa mga barko at maging sa mga bangkang pampasahero.
Sinabi ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu na kabilang ang mga paputok at pailaw sa mga explosives na kasama sa mga deadly items na mahigpit nilang ipinagbabawal na isakay sa mga sasakyang-pandagat. Kabilang din sa ipinagbabawal ang mga deadly weapons, ilegal na droga, at iba pa.
“Nandiyan ang operational units natin ng PCG. Merong instruction na effective December naka-full-heightened alert tayo. With the directive of the secretary of the Department of Transportation na dapat seamless ang pagbiyahe ng mga kababayan natin at kaligtasan sa paglalayag,” ayon kay Abu.
Kasama sa paghahanda ng PCG ang pagkansela sa lahat ng uri ng leave ng kanilang mga tauhan para mas mahigpit na mabantayan ang mga pantalan at lahat ng bahagi ng tubig na may presensya ang PCG.
Nagbigay na umano siya ng utos sa lahat ng opisyal ng PCG na makipag-coordinate sa mga may-ari ng mga barko para sa mas epektibong pagbibigay ng seguridad at pagbabantay sa mga pasahero.(Jocelyn Domenden)