Advertisers
Matapos makadaupang-palad ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) ang tagapagsalita ni Mayora Honey Lacuna na si Atty. Princess Abante, hindi na kami nagtataka kung bakit siya ang napili ng alkalde para sa nasabing puwesto.
Mahinahon, matalino at magaling magsalita si Atty. Princess bukod pa sa makikitaan ito ng pagiging sinsero dahil sa pagka-prangka.
Mukhang bata lamang si Atty. Princess pero ito ay may sapat na karanasan sa larangan ng pulitika sa Maynila.
Siya ay dati na ring nagsibli bilang Councilor sa District 6 ng Maynila. Sinundan niya ang mga yapak ng kanyang napakagaling din na amang si Bienvenido “Benny” Abante, Jr., na isa ring dating Konsehal sa parehong distrito.
Mula sa pagiging Konsehal ay Deputy Speaker na ngayon ang ama ni Atty. Princess sa House of Representatives kung saan ang nakatatandang Abante ay miyembro bilang kinatawan o Conrgressman na kumakatawan sa ika-6 na Distrito ng Maynila.
Si Atty. Princess ay nanalo agad bilang Konehal sa unang pagsabak pa lamang nito sa pulitika noong 2013.
Bago pumalaot sa pulitika sa Maynila, siya ay nasa National Youth Commission kung saan siya ay nagsilbi bilang commissioner-at-large mula 2005 hanggang 2009.
Mula doon ay naging ‘associate’ naman siya para sa law firm ng dating Senate President Juan Ponce Enrile. Ito ay ang Ponce Enrile Reyes and Manalastas Law Office. Siya nga pala ay nakapagtapos ng abogasya sa University of Santo Tomas.
Chairperson din ito ng National Movement of Young Legislators-National Capital Region.
Nitong nakaraang presidential election ay siya din ang napili ni dating Mayor Isko Moreno bilang kanyang tagapagsalita nang siya ay tumakbo bilang Presidente sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko.
Sa murang edad na early 40s ay napakarami nang narating at hinawakang sensitibong posisyon ni Atty. Princess at balita ko ay patuloy pa rin siyang tumutulong sa tanggapan ng kanyang ama sa Kongreso.
Isa lamang ang ibig sabihin nito. Magaling si Atty. Princess at ito ang dahilan kung kaya’t siya din ang kinuhang tagapagsalita ngayon ni Mayor Honey, na kauna-unahang babaeng naging alkalde sa capital city ng bansa.
Sa kabila ng lahat ng nabanggit ko, itong si Atty. Princess ay nananatiling mapagkumbaba at madaling mahagilap, lalo na ng mga media na nagco-cover kay Mayor Honey.
Hindi siya magkakait ng sagot kung meron, pero hindi rin siya mangingiming manindigan at magsalita nang may diin kapag may abusado o nakikitang mali, maski pa sa hanay ng media.
Magaling si Mayor Honey sa pagpili niya ng isang tagapagsalitang gaya ni Atty. Princess Abante. Ibig sabihin, magaling din itong si Mayor Honey.
Sabagay, natumba niya lahat ng tinaguriang political dynasty sa Maynila.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon