Advertisers
Nagtamo ng second degree burn sa katawan ang 10 anyos na batang lalaki nang masabugan ng boga sa Barangay Maab-abaca, Piddig, Ilocos Norte.
Ayon sa hepe ng Piddig Police Station na si Police Lieutenant Rudy James Jacalne, sumabog ang pinapaputok na boga ng bata na sanhi ng pagkasunog sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito.
“Disyembre 13, Martes nang mangyari ang insidente pero nalaman lang namin noong Biyernes, sa aming imbestigasyon nasobrahan ng bata ang paglagay ng denatured alcohol kaya siguro sumabog,” sabi ni Jacalne.
Nagpapagaling na ang bata sa ospital.
“Nang pinuntahan namin ang lugar wala na yung boga, tinago na, nakakalungot dahil may pahintulot ang mga magulang sa paglaro ng bata sa boga,” dagdag ni Jacalne.
Isang improvised na kanyong PVC ang boga na ginagamit pampaingay. Nilalagyan ito ng denatured alcohol para makalikha ng ingay.
Babala ng pulisya mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng boga at pwedeng magmulta ng hindi bababa sa P20,000 at makulong.