Advertisers
INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) na naaresto ng mga ahente nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang professional basketball player dahil sa pagtatangkang pumasok ng bansa gamit ang pekeng Philippine passport.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na 36-anyos na si Avery Roberto Scharer, na naaresto noong Huwebes nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.
Si Scharer ay dumating lulan ng Philippine Airlines flight mula sa Canada nang iprisinta niya sa mga immigration officer sa arrival area ang kanyang American at Philippine passports.
Pero napuna ng BI officer na may discrepancies at iregularidad sa kanyang Philippine passport na naging dahilan upang timbrehan ang naka-duty na supervisor sa travel document ni Schrarer. Matapos nito ay ininderso ang mga dalang dokumento ng basketbolista sa forensic documents laboratory ng BI para sa examination.
Matapos ang examination ay naglabas ang forensic laboratory ng certification na nagkukumpirma na ang Philippine passport na prinisinta ni Scharer ay fraudulent o palsipikado.
Nagpost pa umano si Scharer sa social media na siya ay iligal na ikinulong ng mga awtoridad ng immigration nang dumating siya sa NAIA.
“Our forensic equipment confirmed the suspicion of our officers,” sabi ni Tansingco.
“The Philippine passport he presented contained tampered pages, including the biographical data page. His attempt to conceal these alternations cannot escape the scrutiny of our inspectors. Posting false information on social media to gain sympathy despite the violation further manifests undesirability. There are no sacred cows, as any foreign national who have violated immigration laws and presented fake documentation will be arrested,” dagdag pa nito.
Si Scharer ay itinurned-over sa BI legal division para sa inquest proceedings para sa kasong paglabag sa Philippine passport act at sa paggamit ng mga palsipikadong dokumento.
Ang basketbolista ay mananatili sa detention center ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang resolusyon ng kanyang kaso.
Nabatid na si Scharer ay naglaro sa iba’t-ibang collegiate, amateur at professional basketball leagues sa US at Asia. Noong 2015, si Scharer ay na-draft bilang fifth overall ng Wang’s Basketball Couriers sa Philippine Basketball Association (PBA) D-League. (JERRY S. TAN/ JOJO SADIWA)