Sa pagkapanalong best actress.. Nadine pwedeng maungusan na ang movie ni Vice Ganda; Bea at John Lloyd never magpapaapekto sa intriga
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SA mga nakaraang interview ni Bea Alonzo, sinabi niya na magkakaroon sila ng reunion movie ng dating ka-loveteam na si John Lloyd Cruz.
Pero may lumabas na balita na nagsalita raw si John Lloyd na hindi totoo ang naging pahayag ni Bea na gagawa nga sila uli ng pelikula under Star Cinema.
Sa panayam ng 24 Oras, nilinaw ni Bea ang nasabing issue na pinalalabas ngang nagsisinungaling siya about their reunion project dahil itinanggi nga raw ito ni Lloydie.
Ayon sa dalaga, agad daw niyang tinawagan si John Lloyd hinggil dito. “Siyempre tinawagan ko siya agad. Tutal magkaibigan naman kami, tinawagan ko siya and he denied that he said that. We both agree na hindi kami magpapaapekto sa kung anu-ano man (intriga at tsismis).”
Nauna nang sinabi ni Bea na pagkatapos ng primetime series nila ni Alden Richards sa GMA 7 na Start-Up PH, gagawa uli siya ng pelikula.
At isa nga sa mga gusto niya ay ang reunion movie nila ni John Lloyd pero paglilinaw niya, “Lahat ito ay magdedepende pa sa time naming dalawa. Kung magtutugma at magdedepende pa sa script kung mababasa na ni John Lloyd and if he will agree to doing it,” pahayag pa ni Bea
Dagdag pa niya, “It’s very exciting and nakaka-flatter din kasi kahit na sobrang tagal na naming magkapareha hindi pa rin nawawala ‘yung interes nila sa amin.”
***
SA opening ng MMFF 2022 ay ang pelikula nina Vice Ganda at Ivana Alawin na Partners In Crime ang nanguna sa takilya sa walong pelikulang naglalaban-laban sa taunang film festival.
At hanggang ngayon ay ito pa rin ang nangunguna, na sinundan ng Deleter, na pinagbibidahan ni Nadine Lustre. Pumangatlo naman ang Family Matters, na bida sina Noel Trinidad at Liza Lorena. Pumang-apat ang pelikula nina Coco Martin at Jodi Sta. Maria na Labyu Wth An Accent.
Sa pagkapanalo ni Nadine bilang Best Actress at ng Deleter bilang Best Picture sa nagdaang Gabi ng Parangal ng MMFF 2022, maging dahilan kaya ito para maungusan sa takilya ng Deleter ang pelikula ni Vice?
Kadalasan kasi, kapag ang isang pelikulang kasali sa MMFF ay nagkaroon ng awards o humakot ng awards sa Gabi ng Parangal ng MMFF ay nakakatulong yun para mas panoorin o tangkilikin ang pelikula. Nagiging curious kasi ang mga tao, kung maganda ba talaga ‘yung pelikuilang nanalo ng award.
Ang Deleter ay pitong award ang napanalunan. So makatulong nga kaya ito para mas lalong panoorin ng mga tao ang nasabing pelikula? O ang Partners In Crime pa rin ang siyang mananatiling topgrosser?