Advertisers
Dahil sa umano’y smuggling ng mga ani mula sa ibang bansa, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na suportado niya ang mga panawagan na imbestigahan ng Senado ang “nakaiiyak” na pagtaas ng presyo ng mga lokal na sibuyas.
“Ako po ay sang-ayon kung kailangang imbestigahan sa Senado ‘yung nakababahalang pagtaas ng presyo ng sibuyas,” ani Go sa ambush interview matapos niyang personal na ayudahan ang mga nasunugan sa Parañaque City.
“Naghain na po ng resolution si Senator Imee Marcos para imbestigahan po ang pagtaas ng presyo ng sibuyas at kung kailangan pong imbestigahan, imbestigahan natin ito sa Senado,” dagdag niya.
Sa Senate Resolution No. 350 na inihain ni Marcos, binanggit ang Administrative Circular No. 09 ng Department of Agriculture na nagtatakda ng retail price para sa pulang sibuyas sa Metro Manila sa P170 kada kilo.
Ngunit sa kabila ng taas ng presyo, binanggit ni Marcos na patuloy na nagmamahal ang sibuyas sa mga pampublikong pamilihan.
Samantala, binanggit ni Go ang Republic Act No. 10845, na kilala rin bilang Anti-Agricultural Smuggling Law, kung saan maaaring parusahan ang sinumang mapatutunayang nagkasala ng economic sabotage.
“Mayroon tayong batas, ‘yung Anti-Agricultural Smuggling Law, posibleng economic sabotage po ito kung sakaling mapatutunayan ang malalaking volume ng involved,” ani Go.
Ayon sa price monitoring ng DA, ang going rate para sa locally grown red onions noong Martes ay P500 per kilo, tumaas ng 150% mula sa P200 noong nakaraang taon.
Sinabi ng DA noong Miyerkules na tumaas ang presyo ng sibuyas sa P600 kada kilo sa ilang pampublikong pamilihan, doble sa presyo noong nakaraang buwan.
Samantala, umapela si Go sa executive department na tingnan ang anumang anomalya na maaaring mag-ambag sa pagtaas ng presyo ng mga sibuyas at iba pang bilihin na karaniwang ginagamit ng mga Pilipino.
“Ang apela ko lang po sa Executive Department, sa Bureau of Customs, Department of Agriculture, sa executive branch, sa DTI (Department of Trade and Industry), i-monitor n’yo po nang mabuti dahil marami po ang apektado dito,” sabi ni Go.
“Nakababahala po ito. Mahalagang walang nakalulusot na illegal smuggling ng mga sibuyas,” ani Go.
Muling nanawagan si Go sa gobyerno na unahin ang kapakanan ng maliliit na magsasaka at manggagawang pang-agrikultura sa pagsupil sa agricultural smuggling na may masamang epekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka sa buong bansa.
“Proteksyunan po natin, protektahan natin ang ating local farmers. Unahin po natin ang ating mga magsasaka. Kapakanan po ng ating mga magsasaka ang unahin natin dahil sila po ang may binubuhay na mga pamilyang Pilipino,” giit ni Go.
“Ako naman bilang mambabatas ay handa akong tumulong sa ating mga local farmers na pigilan ito kung saka-sakali mang mayroong mga illegal smuggling po ng sibuyas,” ayon sa senador.