Advertisers
Ang Pilipinas bilang host team ay sigurado na sa World Cup sa Agosto habang ang Estados Unidos ay malamang mag-qualify rin kaya posible silang magharap sa Maynila.
Puwede ang game ay sa elims o kaya sa cross-over na laro. O maaari rin hindi sila magtuos sa isang match nguni’t tiyak mapapanood natin ang Gilas at mga Amerikano ng live.
Sino-sino kaya magiging player ng Team USA? Depende yan sa kung sino ang willing at healthy pagdating ng takdang panahon.
Bagama’t tapos na ang NBA season sa buwan na yan ay hindi kasing halaga ang torneo ng Olympics kaya mayroong mga superstar na aayaw at nanaiisin na ipahinga ang katawan at ipaubaya ito sa mga mas batang basketbolista.
Tinatayang marami-rami pa ring pagpipilian ang USA Basketball sa listahan ng mga mahuhusay na cager sa NBA.
Nandiyan ang mga pambato ng Boston na sina Jayson Tatum at Jaylen Brown, ang bida ng Memphis na si Ja Morant, ang No. 1 pick noong 2019 na si Zion Williamson ng New Orleans, ang core ng Cleveland na sina Donovan Mitchell, Evan Mobley, Jarett Allen at si Darius Garland. Maaari rin isama sa talaan ang lider ng Indiana na si Tyrese Haliburton, ang playmaker ng Toronto na si Scottie Barnes at kung kailangan ng pantapat sa malalaking Serbian at Spaniard ay ibilang natin sina Brook Lopez ng Milwaukee at si Bol Bol ng Toronto.
Sigurado si Tata Selo na gusto silang makatapat nga mga shoo-in sa RP Team na sina Kai Sotto, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Dwight Ramos at Bobby Ray Parks ang mga hinahangaan nila sa Amerika. Inaasahan ng mga ito na muli nilang magiging kakampi si Jordan Clarkson ng Utah bilang naturalized basketeer natin.
Ayon kay Pepeng Kirat ay pag-iipunan raw niya ang pambili ng tiket sa mga laro kahit pa mahal ang presyo. Oo kahit pa raw mas mataas pa sa sibuyas. Hehe.
***
Samantala si Mang Tomas ay magtitiyaga na lang sa natitirang game ng mga Pinoy sa FIBA Qualifiers sa isang buwan. Naka-iskor na raw siya ng ticket para sa buong pamilya niya. Ito ay para sa Ph vs Lebanon sa ika-24 ng Pebrero. P1,100 kada isa para sa kanilang mag-asawa at tatlong anak. P5,500 total ng gastos niya.
Patron bronze ito sa likod ng goal sa Philippine Arena. Pinakamababa ay P100 at P300 sa general admission. Pinakamataas naman ay P16,300 sa VVIP at P9,800 sa VIP. Mayroon ding nagkakahalaga ng P2,500 at P1,700.
Kung uupo nga naman sa tig-isang daan ay mas mahal pa pamasahe papunta sa Ciudad Victoria, Sta Maria, Bulacan kung nasaan ang venue.