Advertisers

Advertisers

154th Malasakit Center binuksan sa Mambajao,Camiguin

0 171

Advertisers

Ipinagmalaki ni Senator Christopher “Bong” Go na umabot sa panibagong milestone o ikalimang taon simula nang mailunsad ang programang Malasakit Center na siya mismo ang nagpasimuno.

Bilang bahagi ng kanyang patuloy na pagsisikap na matiyak ng mahihirap ang mas maginhawang access sa iba’t ibang uri ng tulong medikal mula sa gobyerno, personal na nakiisa si Go sa pagbubukas ng ika-154 Malasakit Center sa Camiguin General Hospital (CGH) sa Mambajao, Camiguin noong Miyerkules.

Ang Malasakit Center sa CGH, isang ospital na pinapatakbo ng DOH, ang una sa lalawigan, ika-8 sa rehiyon ng Northern Mindanao, at ika-38 sa buong Mindanao.



“Ika-154 na Malasakit Center itong sa Camiguin, ito ang latest na binuksan. 153rd ‘yung para sa mga OFW, sa OFW Hospital sa Pampanga. Congratulations sa Camiguin province at sa DOH. Para talaga ito sa poor and indigent patients. Handang tumulong ito sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong pangmedikal,” ayon kay Go.

Ginunita ni Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, kung paano siya nagkaroon ng ideya na simulan ang Malasakit Centers program matapos masaksihan ang paghihirap ng mga Pilipino sa pagkuha ng sapat at abot-kayang pangangalagang medikal.

“Noong wala pa ang Malasakit Center, kailangan pang lumapit ng mga pasyente sa iba’t ibang opisina ng gobyerno. Pumipila sila nang napakahaba at nagmamakaawa na tulungan sila. Kaya naisip ko, bakit kailangan pa nating pahirapan ang ating mga kababayan? Bakit kailangan pa nilang magmakaawa, eh pera naman nila ‘yan?” idiniin ni Go.

“Ibalik ang pera sa mga mahihirap sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong nararapat,” aniya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019 na pangunahing inakda at itinataguyod ni Go sa Senado, lahat ng ospital na pinangangasiwaan at pinamamahalaan ng Department of Health, kasama ang Philippine General Hospital sa Lungsod ng Maynila ay inaatasan na magkaroon ng sariling Malasakit Center. Nasa opisinang ito na ang DSWD, DOH, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.



Layunin nito na bawasan sa pinakamababang halaga ang singil sa ospital o gastusin ng mga humingi ng tulong. Sinasaklaw nito ang mga serbisyo at gastos ng pasyente, tulad ng mga laboratoryo, gamot at operasyon.

Sa pamamagitan ng inisyatiba ni Go, inilunsad ang unang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City noong Pebrero 2018.

Mula noon, pitong milyong Pilipino na ang natulungan ng programa sa buong bansa.