Advertisers
ISANG lalaking suspek na tinaguriang Top 7 Most Wanted Person of Police Station-14 ng Holy Spirit QCPD ang nasawi makaraang makipagbarilan sa mga otoridad habang ihahatid ang warrant of arrest sa umano’y ‘safehouse’ ng una na nasa kahabaan ng Silang St., Veterans Vill., Brgy. Pasong Tamo,Quezon City.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PMGen Jonnel C Estomo, Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na natukoy ng mga operatiba ng Warrant/Intel Section ng PS -14, QCPD sa pangunguna ni PCapt Elmer Antonio ang kinaroroonan ng mga akusado na kinilalang si Dennis Dela Peña alias ‘Tupak’ na sangkot sa kasong robbery. Ito ang nag-udyok sa mga otoridad na isagawa ang nasabing police operation para pagsilbihan ang WOA.
Nabatid sa ulat ng pulisya na habang ipinapatupad ang utos nang pag-aresto patungo sa kinaroroonan ng suspek ay naramdaman ng akusado ang presensya ng mga operatiba ng pulisya dahilan upang magpaputok ito ng baril mula sa paparating na pulis kaya’t walang ibang paraan upang ipagtanggol ang kanilang sarili kundi ang gumanti ng putok na nagresulta sa neutralisasyon ng akusado.
Samantala, sa parehong araw, bandang alas-5:00 ng hapon sa kahabaan ng Tramo Riverside, Pasay City ay nagtungo ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section, Pasay City Police Station kung saan ay nadakip ang Top 1 Most Wanted Person ( district level ) ng Southern Police District.
Ang naarestong akusado ay kinilalang si Pedro Guial y Montacis, 54 taong gulang, na may nakabinbing warrant of arrest para sa kasong Murder sa ilalim ng Criminal Case No. R-PSY-22-00311-CR na nilagdaan at inisyu ni Hon. Elenita Carlos Dimaguila, Assisting Judge ng RTC Br 112, Pasay City na may petsang Marso 2, 2022 na walang inirekomendang piyansa.
Dinala ang mga naarestong akusado sa Pasay CPS para sa kaukulang dokumentasyon bago ibalik ang warrant of arrest sa court of origin.
Kaugnay nito ay pinuri ni Estomo ang mga operatiba sa matagumpay na serbisyo ng warrant of arrest sa pamamagitan ng pinaigting na pagpapatupad ng S.A.F.E. Programa ng NCRPO.
“We make consistent effort to stop fatalities that occur from proper law enforcement operations. Gayunpaman, hindi ito maiiwasan, lalo na kapag ang buhay ng ating mga operatiba ay nasa panganib.”paliwanag ni Estomo
Dagdag pa niya, “Nawa’y magsilbing babala ito sa lahat ng nakikibahagi pa rin sa mga labag sa batas na aksyong ito, hindi pababayaan ng pulisya ang ating mga tanod para mahuli ang mga nagkasala at mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng Metro Manila.” (JOJO SADIWA)