Advertisers

Advertisers

Pulis lang ang may kakayahan magtanggol… iyon nga e

0 177

Advertisers

Good news ba o bad news ang pagsuko ng dalawang dating pulis na sinasabing sangkot sa pagdukot at pagkawala ng isa sa mga iniimbestigahang nawawalang sabungero noong panahon ng administrasyon Duterte? Ang administrasyon na nagpahintulot ng e-sabong.

Sa pamilya ng biktimang si Ricardo Lasco, e-sabong master agent “sabungero”, ang dinukot at hanggang ngayon ay nawawala pa rin, marahil ay isang malaking good news ang pagsuko ng dalawang dating pulis. Bakit? Kahit na papaano kasi ay lumilinaw na ang kaso at higit sa lahat ay maaring makamit na nila ang katarungan.

Hindi lang sa pamilya Lasco magiging good news ang progreso sa kaso kung hindi maging sa pamilya ng iba pang nawawalang sabungero bagamat hindi naman natukoy kung may kinalaman ang dalawang sumuko sa pagkakawala ng iba pang sabungero.



Pero ang kagandahan nga dito, batid na ng publiko kung sino ang may mga kakayahan gumawa ng krimen sa bansa. Nakakahiya ano!? Pero, sige huwag na natin ilahat ng mga pulis. Iyong nga lang ay mayroon na silang lead sa lahat ng pagkawala ng mga sabungero — maaring mga pulis din ang may kagagawan ng lahat.

E sino nga ba ang mga sangkot sa pagkawala naman ng magkapatid noon sa lalawigan ng Cavite – hindi sila sabungero ha. Hindi ba mga pulis din – mga aktibo pa na nakatalaga sa National Capital Regional Police Office. Bagamat, pinabulaanan naman nila ang aksusasyon.

Uli, lilinawin natin, ang mga krimen ay nangyari sa panahon ni Pangulong Duterte hindi ngayong administrasyon Marcos Jr. Bakit kaya ang lalakas ng loob ng mga pulis noon?

Kung good news sa pamilya Lasco at sa iba pang pamilya na nawalan ng sabungero ang pagsuko ng dalawang dati pulis, ito naman ay isang bad news sa mamamayan. Yes, kung sino pa ang inaasahan na magbigay proteksyon sa mamamayan ay iyon pa ang mga sangkot sa krimen.

Sige, sabihin nang dismissed pulis sila ngayon pero kailan sila sinibak? Nang masangkot sa krimen? Kung nang masangkot, ibig sabihin ay aktibo pa sila nang dukutin nila si Lasco.



Kaya hindi natin masisi ang iba o nakararami kung hanggang ngayon ay wala pa rin silang tiwala sa mga pulis. Huwag naman po, hindi naman lahat o nakararami ay masamang pulis. Mas marami pa rin naman matinong pulis.

Ang dalawang sangkot nga pala na sumuko sa tanggapan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ay kinilala ni IMEG Director P/Brig. Gen. Warren de Leon na sina PStaff Sgt. Daryl Paghangaan at Patrolman Rigel Brosas. Ang dalawa ay sinasabing dumukot kay Lasco noong 2021.

Ayon sa opisyal, unang sumuko sa IMEG Team Region IV A si Brosas nitong Enero 20, 2023 .dakong 2:45PM. Sumunod naman si Paghangaan dakong 7:50PM.

Sinabi ni De Leon na ang dalawa ay kabilang sa tatlong pulis na may warrant of arrest na inisyu ni Hon. Luvida Padolina Roque, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC ) Branch 29, San Pablo City, Laguna noong ­Enero 17, 2023 kaugnay ng kasong kidnapping at serious illegal detention at robbery with violence.

Samantalang itinakda naman ng korte ang piyansang P400,000 bawat isa sa kasong robbery with violence, habang wala namang piyansa sa kidnapping and serious illegal detention laban sa mga ito.

“After series of negotiations, our Team IVA have convinced these two former PNP personnel to surrender and already stop putting the image of the PNP in a bad light”, ayon kay de Leon.

Sa imbestigasyon ang mga suspek ay sangkot sa pagdukot kay Lasco, na inaresto ng mga pulis na nagpanggap na miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tahanan nito sa Laguna noong Agosto 2021.Ha! Ginamit pa ang NBI.

Heto ang isa pang good news. Positibo namang kinilala ng misis, hipag at biyenan ng biktimang sabu­ngero at ng pinsan nito ang mga suspek. Pasok!

E ano pa ang bad news dito? Siyempre, sa hanay ng pulisya, isang malaking kasiraan na naman ito sa PNP kahit na sabihin pang hindi naman lahat ay tarantadong pulis…and usual ang palusot na naman dito ng PNP ay “isolated case”. Bwahahahaha…isolated case? Lol.

Pero sige, infairness naman sa pulisya natin sa kasalukuyang administrasyon na pinamumunuan ni PNP Chief, Gen. Rodolfo Azurin, kung saan ay nadatnan niya ang kaso. Salamat sa pagpursige na malutas ang kaso. At least ngayon ay lumilinaw na ang kaso at alam niyo na kung sino-sino ang inyong mga hahantingin na may kinalaman din sa pagkawala pa ng maraming sabungero. Sad to say na mga kabaro din pala ninyo sir.