Advertisers
Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Migrant Workers sa pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs at iba pang kaukulang ahensiya na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa brutal na pagpatay sa isang 35-anyos na overseas Filipino worker sa Kuwait.
Natagpuan ang sunog na bangkay ni Jullebee Ranara sa disyerto sa Kuwait kamakailan.
“Dapat masiguro nating maayos ang kalagayan ng ating mga OFW sa labas ng bansa. Mandato natin yan, ang protektahan ang bawat Pilipino saan mang panig ng mundo,” ani Go.
Hinimok din ng senador ang gobyerno na palaging tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Dapat laging nakaantabay ang gobyerno. Magsilbi tayong lakas ng bawat isa para proteksyunan ang kapwa nating Pilipino laban sa abuso at mga nangsasamantala,” ayon sa senador.
Ang opisyal na ulat sa insidente ay kasalukuyang hinihintay ng DMW at ng DFA.
Ang salarin na anak ng amo ni Jullebee ay inaresto na ng mga awtoridad ng Kuwait.
Iminungkahi ng DMW na repasuhin ang labor agreement ng Pilipinas sa Kuwait para masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa sa Gulf state.
Dahil sa insidente, ilang senador ang naghayag ng mahahalagang punto kung paano mas mapoprotektahan ang OFWs at nanawagan sila sa gobyerno na magpataw ng deployment ban sa Kuwait.
Nanindigan sina Senators Loren Legarda at Jinggoy Estrada na dapat itigil ng gobyerno ang pagpapadala ng OFW sa mga bansang hindi nakalagda sa International Labor Organization Convention on Migrant Workers.
Iminungkahi naman ni Senator Raffy Tulfo na dapat magsagawa ng screening para sa mga employer na gustong kumuha ng OFW.
Binanggit ni Senator Joel Villanueva na hindi isolated incident ang pagkamatay ni Jullebee dahil maraming beses na itong nangyari sa Kuwait. Noong 2019, ang Filipino household service worker na si Jeanelyn Padernal Villavende ay pinaslang din ng kanyang employer na Kuwaiti.
Dismayadong-dismayado naman si Sen. Go sa hindi patas na trato sa OFWs sa pagsasabing “Nakalulungkot dahil sa kabila ng pagsusumikap ng ating mga OFW sa ibang bansa ay may mga taong tumatapak sa kanilang dignidad.”
Si Go ay isa sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act 11641 na lumikha sa DMW.