Advertisers
ISANG police official lang ang hindi tumugon sa panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) para maghain ng courtesy resignation bilang bahagi ng paglilinis at imbestigasyon sa mga hinihinalang opisyal na sangkot sa illegal drugs.
Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na nagtapos na nitong January 31, 2023 ang ibinigay nitong deadline para sa courtesy resignation ng senior officers ng PNP, at bukod tanging isang opisyal lamang ang hindi sumunod sa kaniyang direktiba.
Mayroon aniyang kabuuang 955 heneral at full colonels ang Philippine National Police (PNP) at 12 ang hindi sumunod. Gayunman, lima sa mga ito ang nagretiro na habang pito ang nakatakdang magretiro kaya isa na lamang ang dapat na magsumite ng kaniyang courtesy resignation.
“Out of 955 generals and full colonels, 12 did not comply. Pero kung tutuusin, isa nalang ang hindi nag-comply.Why? Of the 12, five have already retired, so that leaves at least 7, of the seven, six are retiree. If you are going to look at the figures, technically, only one has not yet submitted the resignation out of 955,” saad ni Abalos.
Pero sa kabila ng pagmatigas ng hindi binanggit na opisyal, sinabi ni Abalos na wala silang gagawing hakbang laban dito dahil ang direktiba nito ay boluntaryong pagsusumite ng courtesy resignation.
Igagalang, aniya, ang naging desisyon ng opisyal at hindi oobligahing magpaliwanag sa naging aksyon nito.
“Huwag na namin munang ilabas, pag-usapan muna namin.We fully respect his right. As I have told you before, we are not ordering or commanding anyone, it was just an appeal. No sanctions will be done, nothing at all,” dagdag ni Abalos.
Pero sinabi ng kalihim na aalamin parin ng DILG kung ano ang dahilan para hindi ito sumunod at nagsumite ng kaniyang courtesy resignation.
Sinabi naman ni PNP Chief, General Rodolfo Azurin, na batay sa pahayag ng opisyal, personal prerogative nito ang hindi pagsusumite ng kaniyang courtesy resignation.
Nilinaw ni Abalos na kahit walang courtesy resignation ang senior PNP officials, tuloy-tuloy ang magiging monitoring ng DILG sa illegal na droga at pagkuha ng mga ebidensya para makasuhan ang mga alagad ng batas na nakikisawsaw sa operasyon ng illegal na droga sa bansa.