Advertisers
Kapansin-pansin ngayon ang “tapang” ng Land Transportation Office (LTO) sa mabilisan pagtugon laban sa mga drayber na nasasangkot sa aksidente – agad na ipinatatawag o pinadadalhan ng ahensya ng “show cause order” ang drayber maging ang may-ari ng sasakyan para sa isang imbestigasyon.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami ang “pangil” ng LTO, lamang hindi ito gaano ginagamit ng mga nagdaang administrasyon ng ahensya kaya ang tanggapan ay nakikilala lamang ng mamamayan bilang taga-bigay ng mga naaaprubahang driver’s license.
Bukod dito, nakikilala lamang din ang LTO noon dahil sa mababagsik nilang mga operatiba sa lasangan – ang Flying Squad dahil sa panghuhuli. Ngunit kakaiba ang pagkakakilalan ang batid ng mamamayan.
Nakikilala ang grupong Flying Squad dahil sa pangongotong sa mga drayber sa highway.
Nakikilala din ang LTO sa korapsyon na nangyayari sa loob ng ahensya – kasabwat ang mga fixer.
Dahil sa mga pagkakakilanlan sa ganitong estilo ng LTO noon, desmayadong magreklamo sa ahensya ang mga biktima ng korapsyon lalo na ang mga indibiduwal na gustong magreklamo laban din sa mga abusadong dryaber sa lasangan – ito man ay pangpribado o pangpubliko.
Pero tulad nga ng naunang nabanggit, kapansin-pansin ang malaking pagbabago ng LTO – nagagamit na sa tama ang “pangil” ng ahensya. Yes, para sa inyong kaalaman mga kapatid, ang LTO ay mayroon din “police power”.
Simula nang ipagkatiwala ang tanggapan kay dating LTO Chief, Atty. Teodoro Guadiz na ngayo’y Chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakikilala at inirerespeto na ang LTO.
Nakikilala ang LTO dahil sa ginagamit na ahensya sa tamang paraan ang police power nito lalo na sa mga sasakyan nasasangkot sa aksidente na kung saan ay may pedestrian na sugatan o namatay.
Agad na ipinatatawag ni Guadiz o pinadadalhan ng show cause order ang drayber at may-ari ng sasakyan. Pinagpapaliwanag kung bakit hindi suspendihin o bawiin ang lisensiya ng driver na sangkot sa aksidente.
Katunayan sa tamang estilo ni Guadiz, marami na’ng driver ang nakumpiskahan ng lisensiya – kung hindi man nasususpinde ng 30-araw ay talagang binabawi na ang lisenya. Siyempre, ang natutuwa dito ay ang mga biktimang pedestrian at mamamayan.
Bukod dito, nilinis din ni Gaudiz ang loob ng ahensya laban sa mga korap na kawani.
Dahil dito, dumarami ang nagtitiwala ngayon sa LTO at unti-unti nang nawawala ang masamang imahe na pagkakakilala sa ahensya.
Nawala man sa LTO si Guadiz at pinalitan ni Asst. Sec. Jay Art Tugade bilang hepe, ipinagpatuloy ni Tugade ang paglilinis sa ahensya. Gaya ni Guadiz, marami-rami na ring mga abusadong driver sa lansangan ang pinadalhan ng show cause order – sinuspinde o kinumpiska ang kanilang lisensiya habang mayroon naman mga binawiin ng lisensya. Meaning ang mga binawian ay “for life” nang hindi makapagmaneho maliban kung makalulusot sila sa kanilang alibi kapag umapela.
Sa pamumuno naman ni Tugade, dumarami na rin ang mga mamamayan na nagpupunta sa ahensya para magreklamo laban sa mga abusadong driver dahil sa inaaksyunan agad ito. Hindi man personal na nagrereklamo kung hindi sa online ipinararating ang kanilang karaingan.
Isinulat natin hindi lamang para pasalamatan sina Gaudiz at Tugade sa tamang paggamit sa police power ng ahensya kung hindi iparating din sa publiko na iba na ang LTO ngayon – hindi lang kilala ang ahensya sa pagbibigay ng lisensya kung hindi sa paglilingkod sa mamamayan. Kaya, kung ikaw ay biktima ng mga abusadong driver, huwag kayong mag-atubili na magharap ng reklamo sa ahensya. Tinitiyak namin sa inyo na bibigyang prioridad ang inyong karaingan.