Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
MAY bagong loveteam na kinakikikiligan ngayon sa Facebook: ang tambalan ng JhasDrick nina Jhassy Busran at Heindrick Sitjar na mapapapanood sa FB seryeng “Roommate” ng Rems Films.
Para naman sa lead star nitong si Jhassy, hindi raw niya ini-expect na ganoon ang magiging pagtanggap ng kafaneyan sa kanilang tandem ni Heindrick.
Nagsimula lang daw kasi ang partisipasyon nila sa isang episode ng serye bilang gift sa kanilang director na si Direk Gabby Ramos sa socmed page nito.
“Sobrang overwhelming po ang mga pangyayari kasi nagtuluy-tuloy po siya . So, hindi ko talaga inaasahan. So overwhelming and yet fulfilling moment siya kasi ito talaga ang gusto ko na ma-achieve at marami pa akong gustong marating at ngayon pa lang ay sobra na akong nagpapasalamat,” lahad ni Jhassy.
Maituturing din daw niya na “unexpected tandem” ang kanyang pakikipagpareha sa love team dahil tila itinadhana ito.
“Actually sa storycon pa lang… nag-meet kasi kami noong 2019 sa workshop ni Tito Ogie Diaz , iyon talaga ang interaksyon namin pero di kami nag-uusap noon. Tapos, ito ngang 2022, last year, may sinabi sa akin na may project ako at naghahanap nga po ng makakatambal ko. Pinagpilian po talaga nila at na-send po nila iyong mga pictures sa akin. Then, sinend sa akin ni mom. Sabi niya, ito iyong final na makaka-partner mo. Tapos nabasa ko iyong name pati iyong mukha, sabi ko, ‘bakit parang pamilyar sa akin ito?’ Ini-stalk ko siya sa FB at iyon nga, ito iyong nakasama ko noon. Nag-look see , tapos nabanggit ko nga sa kanya and doon namin naalala tapos nagtuluy-tuloy na,” pagbabahagi niya.
Hirit pa niya, natawa lang daw si Heindrick nang sinabi niyang ini-stalk niya ito sa Facebook.
“Actually, natawa siya. Sabi niya, hindi raw siya active sa FB, sa Instagram siya active so wala raw naman siyang nakitang stalk stalk. So iyon, natawa lang siya,” pagbibida niya.
Dahil din sa kanilang closeness, aminado ring naipagkakamaling meron nang namamagitang romansa sa kanilang dalawa ni Heindrick.
“Actually, meron nga pong mga nagsasabi . Alam mo naman po sa showbiz, marami ang nag-a-assume na we’re together, but all I can say is we’re both happy as individuals and as partners. We’re enjoying each other’s company. Sobrang close namin talaga. Hindi lang as friends kundi as best friends talaga. We have each other’s back whatever happens,”pagtatapos niya.
Sa ngayon nakapokus ang atensyon ni Jhassy sa kanyang karera bagama’t ayaw niyang magsalita nang tapos kung ang kanilang onscreen romance ay mauuwi sa totohanan.
Sa “Roommate,” binibigyang buhay ni Jhassy ang papel ni Natasha, ang college dream girl ni Barry, isang socially-challenged Engineering student na may DID (Dissociative Identity Disorder.)
Tampok din sa FB serye sina Earnest Beaver Magtalas at MJ Manuel.
Kasama rin sa supporting cast sina Cassie Kim, Ella San Pascual, Russ Garcia, Carmen Del Rosario, Zita Ortiga, Matteo Samonte, famous vlogger Daddy Blue, at award-winning actor Soliman Cruz.
Ito ay mula sa direksyon ng acclaimed filmmaker na si Gabby Ramos na ang directorial credits ay kinabibilangan ng “Mestizo: A Beautiful Boy” (2012), “Pugon” (2021) na nominado bilang Short Movie and Short Movie Director of the Year sa 38th PMPC Star Awards for Movies 2023, at “Tukador Ni Tatang” (2021) na naging nominado bilang Best Short Film sa FAMAS 2022.