Advertisers
PINIGILAN ng Immigration authority ang pitong kababaihan na nakatakdang sumakay sa kanilang flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) papuntang Iraq via Singapore noong Enero 16, 2023 sakay ng Scoot Airways.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na naharang ang mga pasahero sa NAIA terminal 1 noong Enero 16 bago sila makasakay ng Scoot Airways flight papuntang Singapore.
Sinabi ni Tansingco na ang mga pasahero, pawang mga babae, ay umamin sa pagtatanong na ang kanilang huling destinasyon ay sa Erbil, Iraq kung saan sila kinuha upang magtrabaho bilang mga janitress na may buwanang suweldo na US$1,000.
Nabatid sa ulat na matagal nang ipinagbabawal ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Iraq dahil sa dinaranas na karahasan doon.
Sinabi ni Tansingco na ang mga pasahero ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa kanilang mga recruiter.
Hindi ibinunyag ang kanilang mga pangalan dahil ipinagbabawal ng batas ang pagsisiwalat sa publiko ng mga biktima ng human trafficking.
Ayon sa travel control and enforcement unit (TCEU) ng BI na nakapanayam sa mga biktima, una nang sinabi ng huli na ang kanilang clandestine trip sa Iraq ay inayos ng isang travel agency na nakabase sa Maynila.
Sinabi nila na pagdating sa Singapore ay sasakay sila ng connecting flights patungong Dubai o Qatar hanggang sa kanilang huling destinasyon sa Iraq.
Ibinunyag ng mga biktima na mayroon pang 30 Pinoy ang na-recruit ng sindikato para magtrabaho sa Iraq na iisa lang umano ang employer. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)