Advertisers
ISANG kumpare kong balikbayan mula Australia ang nawalan ng apat na libong piso nang magwidro siya ng P40,000 sa isang ATM ng Metrobank sa Divisoria, Manila, Biyernes ng hapon, Pebrero 10, 2023.
Sabi ng kumpare ko, Nel Cortes, ng Tondo, Manila, pasado 4:00 ng hapon nang magwidro siya gamit ang kanyang iremit card sa ATM ng Metrobank sa Ilaya, Divisoria. Apat na beses daw siyang pumindot ng tig-P10,000 para sa P40,000 niyang winiwidro.
Pagdating sa bahay, doon niya palang binilang ang kanyang winidrong pera. At nagulat siya na P36,000 lang ito lahat.
Aniya, sa bawat P10,000 na kanyang winidro, may kasamang dalawang tig-P500 sa huli. Na kung binilang niya kaagad doon palang sa ATM booth ay nalaman niya sanang ito’y P9,000 lang. Dahil yung huling dalawang iniluwal ng machine ay tig-500!
Yun nga, sa apat na pindot niya ng tig-P10,000, may lumabas na tig-dalawang P500 sa bawat huling dalawang labas sa ATM. Kaya P36,000 lang ang naging pera niya, nawalan siya ng P4,000.
Sa madaling salita ang denominasyon ng perang iniluwa ng ATM ay 32 piraso ng tig-P1,000 at 8 tig-P500.
Tinawagan ko nitong Linggo ang kakilala kong manager ng Metrobank. Ikinuwento ko sa kanya ang pangyayari. Sabi niya, madali lang ma-check yun basta maipakita ang resibo mula sa ATM kungsaan nakalagay ang oras at petsa ng pagwidro.
Nang tawagan ko si Nel kung nasa kanya pa ang resibo, wala na raw, nabasa nang labhan ng misis niya ang kanyang pantalon. At lumipad narin silang mag-asawa nitong Linggo pabalik ng Australia.
Pero kahit sa Australia na si Nel, maari parin naman daw itong mag-email sa bangko ng kanyang reklamo. Kaso nga, nalusaw na ng tubig yung resibo niya sa pagwidro sa ATM. Walang ebidensiya, walang imbestigasyon.
Naniwala ako sa reklamo ni Nel dahil ipinakita niya talaga sa akin ang perang nawidro niya. Na sa bawat P10K ay may tig-P500.
Iniisip ko tuloy na baka ito’y scam sa ATM. Kaya para matiyak na hindi nadaya ng ATM, bilangin nyo muna ang pera bago umalis ng ATM booth. Ang problema lang ay kung maraming nakapila o nakasunod sayo para magwidro tapos nasa mataong lugar at open, delikado ang magbilang ng pera. You know!
At kung iimbestigahan ito ng Metrobank, siguro ang tingnan nalang nila rito ay nangyari ng pasado 4pm, Biyernes, at magkasunod na tig-P10K ang pinindot ni Nel.
***
Tama nga ang isang batikang mamamahayag ng People’s Journal na naka-beat sa Bureau of Customs (BoC) na kapag ang isang komisyoner ay masipag manghuli ng mga kontrabando, at sobra sobra ang koleksyon kada buwan, asahan mong ito’y hindi tatagal sa bureau. Hehehe…
Yun nga ang nangyari kay “Yogi” Ruiz, tumagal lamang ng limang buwan bilang Customs chief, pinalitan nitong Biyernes ni Ben Rubio, isang beteranong Customs officer na nagsimula sa pagiging Special Agent 1.
Si Rubio ay kababayan ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr., mula sa Ilocos Norte.
Tama lang din naman na palitan si Yogi dahil may negosyo raw itong brokerage eh. You know!!!
Sa bagong Customs chief, wish namin masawata nyo ang mga smuggler lalo ng agricultural products. Yung Michael Ma, tuldukan nyo na yan! Bantayan!