Advertisers
ARESTADO ang 42-anyos na lalaki matapos niyang gahasain ang 19-anyos babaeng kapitbahay na may problema sa pag-iisip sa bayan ng Pandi, Bulacan nitong Biyernes.
Kinilala ni Bulacan Police director, Col Lawrence Cajipe, ang suspek na si Nerio Balza, tubong Tondo, Maynila at kasalukuyang residente ng Pandi Residence 1, Mapulang Lupa.
Sa report, nangyari ang panggagahasa ni Balza kay “Juliet” (di tunay na pangalan) 9:00 ng gabi sa kanyang bahay.
Ayon sa ulat, inimbita ng suspek ang dalaga sa kanilang bahay at sumunod naman ito.
Sa loob ng bahay, pinuwersa ng buhong ang biktima hanggang makaraos.
Kinabukasan ng tanghali, napansin ng ina ng biktima na may mga kaibigan ang nakapalibot sa kanyang anak na pinapayapa ang kalooban nito.
Ipinagkibit-balikat ng ina ang kanyang napansin, subali’t hindi siya nakatiis hanggang sa kausapin ang anak sa hinalang may maling nangyari.
Inamin ng biktima sa kanyang ina ang masaklap na sinapit. Kaya agad silang nagreklamo sa pulisya.
Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya nang maberipika ang insidente at nahuli ang suspek.
Nahaharap sa kasong rape si Balza habang nakapiit sa istasyon ng pulisya. (PFT team)