Advertisers
DALAWANG barangays sa Caloocan City ang isinailalim sa isang linggong total lockdown simula Linggo, Hulyo 26, dahil sa dumaraming kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sarado ang Barangay 95 at 97 mula hatinggabi ng Hulyo 26 hanggang 11:59 pm ng Agosto1.
“Napansin natin ang pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa dalawang barangay na ito sa nga nakalipas na ilang araw. Napagdesisyunan natin na isailalim na ang mga ito sa total lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng virus,” ani Mayor Oscar Malapitan.
Dalawampu ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Barangay 95, habang 13 naman sa Barangay 97 hanggang noong Sabado ng hapon, Hulyo 25.
Naipagbigay-alam na ng mga opisyal ng mga nasabing barangay sa kanilang nasasakupan ang tungkol sa isasagawang lockdown, ilang araw bago ito ipatupad.
Tiniyak naman ni Malapitan na mamamahagi ng pagkain para sa lahat ng 2,900 residente ng Barangay 95 at 1,800 residente ng Barangay 97.
Magsasagawa ng contact tracing ang Caloocan City Health Department sa panahon ng lockdown at magtatalaga rin ng mga pulis ang pamahalaang lungsod para dakpin ang mga lalabag sa quarantine. (Beth Samson)