Advertisers
SWAK sa kulungan ang isang dating guro matapos na isilbi sa kanya ang warrant of arrest dahil sa kaso nito na panggagantso ng multi-milyon sa kanyang mga katransaksyon sa bigas sa Quezon City Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. General Ronnie Montejo ang nadakip si Nomer Malenab, 38, binata, residente ng No. 182 3rd floor, Fort Santiago St. Brgy Bagong Bantay, QC.
Ayon sa ulat, 11:45 ng gabi nang isagawa ang operasyon laban sa suspek sa bisa na rin ng warrant of arrest na inilabas ni Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 271 Hon. Paz Esperanza.
Sa report, nahaharap sa tatlong bilang ng kasong Estafa si Malenab dahil na rin sa panloloko.
Sinabi ni Sherlyne Utrillo isa sa mga nabiktima ng suspek, nagawang makuhanan siya ng P7-milyon ni Malenab bilang kabayaran sa bigas na binili nito subali’t makaraan na makapagbayad, hindi na-i-deliber sa kanya ang inorder.
Lumalabas na bukod kay Utrillo ilan din sa mga naloko nito na pinangakuan na babagsakan ng tone-toneldang bigas ay nakuhanan din ng sampung milyon at ang iba naman ay umabot pa sa P50 milyon.
Dahil dito, nanawagan naman ang QCPD District Special Operation Unit (DSOU) na siyang umaresto kay Malenab na lumutang sa kanilang tanggapan ang iba pang mga nabiktima nito upang maidagdag sa kaso na kakaharapin ng suspek. (Boy Celario)