Advertisers

Advertisers

TABLETS AT LAPTOPS, IPINAMAHAGI NA SA MAYNILA

0 188

Advertisers

BILANG patunay na kayang ipagpatuloy ang pag-aaral sa gitna ng pandemya dulot ng COVID-19, isinagawa ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang “ceremonial turn-over at distribution” ng mga libreng tablets at laptops para sa mga estudyante at guro sa nasabing siyudad nitong Miyerkules, Agosto 26.
Pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang pamamahagi ng mga laptop at tablet sa mga guro at mga magulang ng mga estudyante sa pampublikong paaralan ng Maynila para sa kanilang paghahanda sa ‘blended distant learning’ na magsisimula sa buwan ng Oktubre.
Ang nasabing seremonya na ginanap sa Aurora Quezon Elementary School covered court sa San Andres, Manila ay dinaluhan ng kinatawan ng Department of Education na si Undersecretary Alain Del Pascua at Schools Division Superintendent Maria Magdalena Lim habang nagbigay naman ng mensahe sa pamamagitan ng “video online communication” si DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones.
Pinasalamatan naman ni Domagoso ang lahat ng bumubuo ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ng Division of City Schools gayundin sa suporta ng Department of Education.
Aniya, hindi umano magiging posible ang pamamahagi ng tablet devices, laptops, pocket wifi at sim cards sa mga estudyante at mga guro kung hindi dahil sa tulong ng mga ito.
Ayon sa Alkalde, nasa 11,000 laptops ang binili upang may reserba sakaling magka-aberya ang ginagamit na laptops ng may mahigit 10,300 guro sa lungsod ng Maynila.
Nasa mahigit 135,000 naman na mga tablets ang ipamamahagi sa mga estudyante kasama na ang sim card nito na may buwanang 10GB na bandwith internet data connection habang ang mga guro naman ay may kanya-kanyang pocket wi-fi na may buwanang internet connection din. (Jocelyn Domenden/Andi Garcia)