Advertisers
PUMALO sa mahigit 157,000 ang mga pasyente na gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas, matapos na makapagtala pa ng mahigit 22,000 ng COVID-19 recoveries.
Batay sa case bulletin #169 na inisyu ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4:00PM nitong Linggo, Agosto 30 ay nakapagtala pa sila ng 22,319 COVID-19 recoveries kaya’t umabot na ngayon sa 157,403 ang kabuuang bilang ng mga pasyente na gumaling na mula sa naturang sakit.
Kaugnay nito, iniulat din ng DOH na nakapagtala pa sila ng karagdagang 4,284 bagong kaso ng COVID-19 kaya’t umakyat na sa kabuuang 217,396 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 56,473 ang itinuturing pang aktibong kaso; 91.3% ang mild cases; 6.1% ang asymptomatic; 1.1% ang severe at 1.6% ang kritikal.
Pinakamaraming naitalang bagong kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR) na nasa 2,207; Laguna na nasa 327; Cavite na nasa 191; Batangas na nasa 161; at Rizal na nasa 147 new cases.
“As of 4PM today, August 30, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 217,396,” anang DOH. “A total of 4,284 confirmed cases are reported based on the total tests done by 100 out of 110 current operational labs.”
Samantala, umakyat na rin naman sa 3,520 ang COVID-19 death toll sa bansa matapos na makapagtala pa ng panibagong 102 pang binawian ng buhay dahil sa sakit.
Sa naturang bilang, 78 ang namatay ngayong Agosto; 21 ang namatay noong Hulyo; dalawa noong Hunyo at isa noong Abril.
Pinakamaraming naitalang COVID-19 deaths sa NCR na nasa 52; Region 4A na nasa 14; Region 6 na nasa 10; Region 3 na may siyam; Region 7 na may walo; Region 2 na may dalawa; Region 5 na may dalawa, Region 11 na may dalawa at CARAGA na may isang nasawi.
Mayroon naman umanong 19 na duplicates na inalis sa total case count at sa nasabing bilang, lima ang recovered cases at isa ang namatay.
Mayroon ding 12 kaso na unang iniulat na nakarekober ngunit sa pinal na balidasyon ay natuklasang binawian na pala ng buhay. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)