Advertisers
MAHIGIT na 80 pangunahing restaurants sa Lungsod ng Maynila ang lumahok sa matagumpay na paglulunsad kahapon sa apat na pangunahing venue ng ‘Manila Restaurant Week,’ kung saan si Mayor Isko Moreno ang nanguna habang ang world-class singer na si Lea Salonga naman ang special guest, na inawit ang kanyang bagong single na ‘Dream Again’ at ngayon ay theme song ng event.
Ayon kay Business Permit chief, Levi Facundo, na siyang nag-conceptualize ng food festival, isinagawa ang launching ng proyekto sa apat na napiling venue, na kinabibilangan ng Manila Hotel, kung saan isinagawa na kick off ng event; gayundin sa Manila Bayleaf Hotel, Lucky China Town Mall at sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Personal na binisita ni Moreno ang mga naturang venue bilang pagpapakita ng suporta sa lahat ng mga restaurateurs na lumahok sa proyekto.
Tiniyak ni Moreno sa mga naturang negosyante na huwag susuko sa nararanasang paghina ng negosyo dulot ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at sa halip ay higit pang magsumikap upang makabangong muli at mapaunlad ang kanilang negosyo.
Nabatid mula kay Moreno na ang ‘Manila Restaurant Week’ ay offshoot ng ‘Manila Support Local’ campaign na una nang inilunsad ng city government upang mahikayat ang publiko na tangkilin at suportahan ang mga establisimyento na nakabase sa Maynila.
Sinabi ng alkalde na isasagawa ang Manila Restaurant Week mula Setyembre 20 hanggang 27.
Matapos ito, gagawin nang buwan-buwan ang naturang event, na idaraos sa loob ng walong araw kada buwan, hanggang sa tuluyan nang bumalik sa normal ang lahat.
“We have a total of 81 restaurants participating in the ‘Manila Restaurant Week’ which will be held from September 20 to 27,” anang alkalde.
Samantala, sinabi naman ni Facundo na isang malaking pribilehiyo para sa lungsod ng Maynila ang ginawang pagpayag ni Salonga at ng New York-based entertainment firm na magamit ng libre bilang theme song ng aktibidad, ang bagong labas nilang awitin.
Ang launching ng proyekto kahapon ay dinaluhan din naman ng mga media, mga celebrities at influencers, na nag-ikot sa mga kalahok na restaurant upang maipakilala ang mga pix-fixe menus ng mga ito sa livestream media sa pamamagitan ng iba’t iba at mga sikat na online platforms.
Sinabi pa ni Facundo na ang ‘Manila Restaurant Week’ ay isang citywide celebration ng ‘fine at casual gastronomic experience’ at magsisilbing behikulo para makilala pa ang mga restaurant sa lungsod, mula aniya sa mga prominente nang kainan at mga tinagurian niyang ‘hidden gems’ o yaong mga restaurant na bagama’t hindi pa sikat ay malaki ang potensiyal na mamayagpag din dahil sa ipinagmamalaki nilang masasarap at murang pagkain.
Hinikayat din naman ni Facundo ang publiko na tangkilikin ang restaurant week dahil bawat kalahok na restaurant ay mag-aalok ng kanilang mga specialties at mga bagong putahe sa affordable rates lamang. (Andi Garcia)