Advertisers
READY ng buksan at simulan ang operasyon ng ikalawang coronavirus disease 2019 (COVID-19) laboratory na itinatayo ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa Sta. Ana Hospital.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nagbigay na ang Department of Health (DOH), World Health Organization (WHO) at ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng go signal para sa operasyon ng naturang laboratoryo.
Nabatid na nagsagawa na si Moreno at ang mga kinatawan ng DOH, WHO at RITM ng joint inspection sa nasabing RT-PCR (real time-polymerase chain reaction) Molecular Laboratory, na itatayo sa Sta. Ana Hospital, at nagpahayag umano ang mga ito ng kasiyahan sa kanilang nakita.
Muli rin namang pinasalamatan ng alkalde si Pangulong Rodrigo Duterte, ang DOH, ang Department of Budget and Management at ang Ayala Corporation dahil sa pagtulong ng mga ito upang maisakatuparan ang kanyang layunin na makapagtayo pa ng ikalawang laboratoryo sa lungsod upang higit pang matugunan ang problema ng bansa laban sa COVID-19 pandemic.
Ayon pa sa alkalde, ang bagong laboratoryo ay may state-of-the-art equipment at makapagbibigay ng kakayahan sa city government upang makapag-swab test ng may isang libong indibidwal araw-araw gamit ang gold standard level na RT-PCR machine.
Sa kasalukuyan, ang kauna-unahang COVID-19 laboratory sa lungsod, na matatagpuan din sa loob ng Sta. Ana Hospital ay kaya umanong makapagsuri ng may 200 hanggang 250 katao kada araw.
Matatagpuan ito sa ikalawang palapag ng Sta. Ana Hospital, kung saan din naroroon ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC).
Samantala, sa panig naman ni Dr. Grace Padilla, ang director ng Sta. Ana Hospital, sinabi nito na ang mga bagong makina na inilalagay sa kanilang pinakabagong laboratory ay matatagpuan sa ground floor at kaya nitong mag-produce ng output na 90 test kada oras. (Andi Garcia)