Advertisers
IPINAALALA ni Senator Christopher “Bong” Go sa Commission on Higher Education na tuparin ang naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga mag-aaral na anak ng overseas Filipino workers para patuloy na makapag-aral sa kolehiyo.
Noong Agosto 31, inanunsyo ni President Rodrigo Duterte na bibigyan ng one-time grant na P30,000 ang mga college student na anak ng mga OFW na na-displaced, ni-repatriate at namatay dulot ng COVID-19 pandemic.
“Paalala lang po sa lahat ng ahensya ng gobyerno: Dapat kung may binitawang salita, maibigay at huwag tagalan ang serbisyo. Siguraduhin nating matutupad ito,” ayon kay Go.
Ang nasabing tulong pinansiya ay para sa mga kuwalipikadong benepisyaryo na naka-enroll o mag-i-enroll pa lamang sa mga state o private colleges and universities na nirerekognisa ng CHED.
Tinatayang nasa 33,000 estudyante ang inaasahang makatatanggap o mabebenepisyohan ng nasabing financial assistance.
Kamakailan, inanunsyo ng CHED na ang aplikasyon sa Tertiary Education Subsidy para sa school year na ito ay naisumite na. Ang subsidiya ay hindi lamang para sa mga anak ng apektadong OFWs, bagkus ay pati sa mga kuwalipikadong college-level students, batay sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nilagdaan ni Duterte noong 2017.
Sa pagdinig ng Senate committee on finance kahapon, ipinatiyak ni Go sa CHED at sa pamunuan ng lahat ng state universities and colleges na magiging maaayos ang lagay ng kanilang mga estudyante at personnel habang nag-a-adjust ang education system sa naging epekto ng COVID-19 pandemic.
“In the implementation of policies, listen to the students, the parents, the professors. We all have to be in this together. Nandito po ang national government para tumulong sa inyo,” Go said.
Ipinahayag ang pagsuporta sa CHED at sa lahat ng state universities and colleges, sinabi ni Go na isa sa matinding tinamaan ng krisis ang edukasyon kaya dapat lang aniya na unahin ang kapakanan nito sa pamamagitan ng pagsasaayos ng sistema. (PFT Team)