Advertisers
NATUKLASAN na sa pagsisiyasat ng Philippine National Police na walang kinalaman ang Department of Education, bagkus ay asosasyon ng Catholic schools sa lalawigan ng Zambales ang nagrebyu, naglimbag at nagpakalat ng malisyosong learning modules na kontrobersiyal ngayon sa social media.
Bunga nito, umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa education authorities at sa mga institusyon na tiyaking dekalidad at akma ang learning modules na ipababasa sa mga mag-aaral sa ipatutupad na blended learning techniques habang may COVID-19 pandemic.
“Nakarating na ito kay Pangulong Duterte at gusto niyang ipahuli at panagutin ang mga gumawa ng modules na may lamang kabastusan. Hindi natin ‘yan palalampasin,” ayon kay Go.
“Hindi dapat ginagawang katawa-tawa o bastos ang laman ng mga materyales na dapat gamitin para matuto ang mga bata. Hirap na nga ang mga estudyante na maipagpatuloy ang pag-aaral ngayon, hahaluan ninyo pa ng kalokohan ang mga ituturo sa kanila,” idinagdag niya.
Sa blended learning, ang mga estudyante ay kinakailangang mag-adjust sa bagong learning techniques sa pamamagitan ng pinaghalong online classes at leraning modules na ibibigay sa kanila bilang alternatibo sa nakagawaing pagtuturo sa klasrum.
Dahil sa limitadong pagbabantay ng mga guro, dapat ay masunod ang eksakto at naaayong learning materials na ipamimigay sa mga mag-aaral.
“Dahil walang face-to-face, limitado ang opportunity ng guro na gabayan ang mga estudyante. Kaya naman po mahalaga na masiguro ang kalidad ng mga learning materials at modules na ginagamit nila,” ani Go.
“Learning modules must adhere to set standards. They must be child-friendly, appropriate, and teaches good values,” sabi pa ng senador.
Itinanggi ng Department of Education na sa ahensiya nagmula ang sinasabing bastos na learning modules na nag-viral matapos itong kumalat.
Gayunman, tiniyak ni Education Secretary Leonor Briones na aaksyonan ng DepEd ang nasabing isyu.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, natuklasan ng DepEd na isang private Catholic school sa Zambales, ang Carmel Academy of Palauig Inc., ang gumamit ng kontrobersiyal na module.
Batay naman sa paunang pagsisiyasat ng Philippine National Police, ang preparasyon, review, final printing at distribution ng learning materials, kabilang ang bastos na module, ay ginawa ng Association of Catholic Schools of the Diocese of Iba (ACSDI).
Sa report naman ng Zambales Schools Division Superintendent sa regional office ng DepEd, ang mga nasa modules ay gawa ng mga miyembrong eskuwelahan ng ACSDI at inilabas para sa reproduction.
Sinasabing humingi na ng paumanhin si Rev. Fr. Reymann Catindig, Superintendent ng ACSDI.
Maging ang mga guro at sumulat ng modules ay humingi na rin umano ng paumanhin. Binawi na ang mga “bastos” na modules upang i-edit. (PFT Team)