Advertisers
NIREREPETO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang botohan ng mga mambabatas sa Kamara kaugnay sa kanilang liderato.
Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng isinagawang botohan ng mga kongresista kung saan ibinasura ang inihaing resignation ni House Speaker Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Roque, sinabihan siya ni Pangulong Duterte na “stay out” na sila sa usaping ito at internal affairs na ito ng Kamara.
“Stay out tayo diyan. No comment tayo diyan. that’s a purely internal matter of the House of Representatives,” ani Pangulong Duterte kay Roque.
Sinabi ni Roque, hindi na rin daw sila magbibigay ng komento kasunod ng naging desisyon ng mayorya ng mga kongresista.
Binigyang-diin ni Roque na una naman nang inihayag ni Pangulong Duterte na kahit pa nais niyang masunod ang term sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco, ang mga mambabatas pa rin ang pipili ng kanilang pinuno. (Vanz Fernandez)