Advertisers
TUMUTOL ang mga kongresista sa hirit ni Speaker Alan Peter Cayetano na lisanin na ang kanyang leadership sa House of Representatives.
Sa naganap na botohan nitong Miyerkules, Setyembre 30, 184 na kongresista ang hindi pabor sa pagbibitiw ni Cayetano bilang Speaker ng Kamara, 1 naman ang pumabor at 1 ang abstention.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Cayetano na hindi siya indispensable bilang pinuno ng Kamara kaya mas maige na lisanin na niya ang kanyang puwesto.
Ang pahayag na ito ay matapos sabihan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na irespeto ang napagkasunduan na term sharing sa pagitan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sinabi pa ni Cayetano sa kanyang talumpati na iginigiit ni Velasco na handa na ito na maupo bilang lider ng Kamara.
Ngunit matapos ang talumpati nito ay nagpahayag ng suporta si party-list Rep. Mike Defensor at tumutol sa resignation ni Cayetano.
Kaagad naghain ng mosyon si Defensor at hinimok ang kapwa kongresista na huwag tanggapin ang resignation ni Cayetano at sumegunda si Bulacan Rep. Jonathan Sy Alvarado at nagkaroon ng nominal voting.
Batay kasi sa Section 13, Rule III ng House Rules, anumang leadership post sa Kamara kabilang na ang speakership post ay maikokonsidera lamang bakante sakaling ang naturang opisyal ay mamatay, magbitiw o hindi na kayang gampanan ang kanyang mandato. (Josephine Patricio)
Cayetano ‘ginulangan’ ni Velasco (sub-title)
BUMUWELTA si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kasunod ng kanilang pulong nitong Martes ng gabi sa Malacañang kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara nitong Miyerkules ng hapon, pinuna ni Cayetano ang panggugulang umano sa kanya ni Velasco.
Masyado kasi aniya nagmamadali si Velasco na maupo bilang lider ng Kamara at hindi isinasalaang-alang ang mahahalagang panukalang batas na tinatalakay ng mababang kapulungan sa kasalukuyan tulad na lamang ng 2021 proposed P4.5-trillion national budget.
Iginiit ni Cayetano na makailang beses na nakiusap si Pangulong Duterte kay Velasco na kung maari ay sa December na gawin ang pagbabago sa House leadership.
Pero sa kabila ng apela ng Pangulo, sinabi ni Cayetano na paulit-ulit naman itong tinatanggihan ni Velasco.
Ayon kay Cayetano, nang mabuo ang term-sharing agreement nila ni Velasco ay hiningi niyang panukalang pambansang pondo ang maaprubahan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Bukod dito, umaapela rin si Cayetano kay Velasco na kung maari ay makapagdiwang man lang siya ng kanyang ika-50 kaarawan bilang Speaker ng Kamara.
Pinatutsadahan naman ni Cayetano ang mga supporters ni Velasco na aniya’y tinitira siya nang patalikod sa kabila ng kanyang maayos na pakikitungo sa kanya.
Ayon kay Cayetano, katulad ni Velasco, atat din aniya an gmga supporters nito na maupo ang mga ito sa puwesto sa Kamara.
Pero nilinaw ni Cayetano na walang mapapalitan sa chairmanship ng mga komite base na rin sa naging pangako ni Velasco.