Advertisers

Advertisers

Rep. Robes idiiniin na wakasan ang korapsyon

0 368

Advertisers

NAIS ng isang mambabatas na suriin muna ang paggugugulan ng pondo o pre-audit system bago ito pagkalooban upang matugunan ang paglaban sa katiwalian at hindi masayang ang salapi ng pamahalaan.
Sa inihaing House Bill 7124 ni San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes, mapipigilan ang pagnanakaw ng pondo, katiwalian at pandarambong kung susuriin muna ang lahat ng transaksiyon at kontrata na gagastusan ng pondo ng pamahalaan.
Aniya, ipinatupad na noong 1920 ang pre-audit system subalit nang maluklok si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1970, binago niya ang panuntunan na sinunod narin ng mga sumunod pang naging pangulo.
Naniniwala si Congw. Robes na madaling maabuso at maging ugat ng katiwalian at pandarambong ang kasalukuyang sistema, bukod sa mahirap nang mabawi pa ang salapi kung sakali at matuklasan na may iregularidad sa transaksiyon. Aniya, sa pagtaya ay aabot sa P700 bilyon o 20 porsiyento ng pondong inilaan sa loob ng isang taon ang nawawala dahil sa korapsiyon kaya’t nararapat lamang na baguhin na ang panuntunan at ibalik ito sa pre-audit system upang hindi masayang ang pera ng taumbayan.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng pagkakagastusan ng pondo ng pamahalaan sa mga proyektong pang-imprastraktura, mga kontrata, maging ang pagbili ng mga kalakal at serbisyo, kasama ang pag-renta ng lupa, gusali o anumang sangay na ilalaan sa pamahalaan, kabilang dito ang mga institusyon tulad ng mga pamantasan, korporasyon, at iba pang sangay na gugugulan ng pondo ay sapilitang isasailalim sa pre-audit bago pagkalooban ng pondo.
Nakasaad pa sa panukala na upang hindi maantala ang paglalabas ng pondo, kinakailangang mag-isyu ng Certificate of Pre-Audit ang Commission on Audit sa loob ng 15-araw kapag natanggap na ang mga dokumento. Sa oras na hindi maglabas ng sertipiko ang COA sa loob ng 15-araw, nangangahulugan na may sapat, legal at wastong dahilan upang hindi ito pagkalooban ng pondo.
Para sa implementasyon ng naturang sistema, nasa ilalim ng panukala ang pagbuo ng Pre-Audit Office sa tanggapan ng COA na may sapat na tauhan upang hindi maantala ang gagawing pagsusuri sa mga proyekto at kung mabigo ang state auditor na gampanan ito, may katapat na kasong kriminal at administratibo ang kanyang kakaharapin.
Upang maging lantad sa kaalaman ng publiko, inaatasan ng panukala ang COA na maglabas ng taunang ulat na isusumite sa Pangulo ng bansa at sa Kongreso kaugnay sa katayuan ng implementasyon ng pre-audit system tuwing buwan ng Hunyo kada taon.
Sabi pa ni Cong. Robes, nagdusa na ng husto ang bansa sa nagaganap na katiwalian at pandarambong sa salaping buhat sa buwis ng mga tao, hindi lamang mula sa pamahalaan kundi sa pribadong sector kaya’t panahon na upang matigil na ang ganitong sistema.